Filtered By: Showbiz
Showbiz

Dingdong Dantes finally meets Marian Rivera's family


MANILA, Philippines – Sa unang pagkakataon, pormal nang ipinakilala ni Marian Rivera si Dindong Dantes sa kanyang lola na nagpalaki sa kanya at sa iba pang miyembro ng kanyang pamilya sa Cavite. Susunod na kaya nito ang pag-amin ng dalawa sa kung ano ang tunay na namamagitan sa kanila? Sa entertainment talkshow na "StarTalk" nitong Sabado, sinabi ni Marian – susunod na Darna ng Kapuso Network – na naging mainit ang pagtanggap ng kanyang pamilya sa aktor. "Mukhang okey naman," masayang kwento ng aktres. "Kasi bilib din naman ako rito [kay Dingdong] kasi magaling talaga siyang makisama. Tsaka alam mo naman sa tao kung totoo o hindi, e totoong tao talaga si Dong…super chikahan naman sila ng lola ko, hindi ko alam kung ano ang pinag-uusapan nilang dalawa." Ayon naman kay Dingdong, lalo niyang nakilala at nagustuhan ang katauhan ni Marian nang makaharap ang mga taong nagpalaki sa susunod na "Darna." "Sobrang bait nilang lahat," pahayag ng aktor. "Nakita ko kung sino ang mga taong nagpalaki sa kanya, nakita ko ang kultura sa bahay nila, so mas lalo kong na enjoy yung character niya. Dahil nakita ko yung each and every person in that house kung sino si Marian, kaya mas lalo ko siyang nakilala." Sumunod na kaya nito ang pagtatapat nina Dingdong at Marian kung ano talaga ang real score sa kanilang dalawa? "Like what I always say ayokong pangunahan ang mga bagay. Kung ang tingin ko tamang panahon na para sa mga ganyan e 'di okey. Pero siyempre hindi lang naman ako ang involve dito, kasama rin siya, hindi lang ako ang magdedesisyon nyan," paliwanag ni Dingdong. Pero nang tanungin si Marian sa tingin nito ay Dingdong na ang ideal partner sa kanya, sagot ng dalaga: "Oo naman. Kasi sa lahat ng bagay magkasundo kami, wala kaming pinag-awayan. Sa lahat, sa ugali, sa pananaw sa buhay, sa mga pinag-uusapan, okey so wala kaming problema." Ngunit papaano na ang kanilang samahan ngayong patapos na ang kanilang proyektong “Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang," at balak silang ipareha sa ibang Kapuso stars, magpatuloy pa rin kaya ang kanilang magandang pagtitinginan? "Ayoko namang magpaka-plastik pero siyempre sobrang malungkot talaga ako lalo na sa last day namin sa 'Tadyang.' Sobrang nalungkto ako at naging honest ako sa kanya, sabi ko hindi ko alam kapag hindi na ikaw ang partner ko. Pero isa lang sinigurado ko sa kanya, mami-miss ko talaga siya," pahayag ni Marian. Aminado rin Dingdong na hahanap-hanapin niya ang pagsasama nila ni Marian kasabay ng pagtiyak na magkikita pa rin sila ng maganda aktres. "Hindi naman pupwede na porke’t hindi na kami nagsasama sa taping e hindi na namin itutuloy yung magandang sinimulan namin. So siyempre, hopefully kung hindi siya busy hindi rin ako busy magkaroon kami ng time na magawa yung mga dati naming ginagawa," ayon sa aktor. "Siguro hindi madalas kasi may trabaho siya, ako rin may trabaho. Pero siguro kahit papaano magkakaroon pa rin ng time na magkita kaming dalawa," dagdag ni Marian. - Fidel Jimenez, GMANews.TV