ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Katrina Halili cries over spread of dance video


MANILA, Philippines – Lumuluhang isiniwalat ni Katrina Halili sa entertainment show na "StarTalk" nitong Sabado na maaaring kinukunan ng video ni Dr. Hayden Kho ang kanilang pagkikita noong magkarelasyon pa sila nang hindi niya nalalaman. Ginawa ng sexy Kapuso star ang pahayag para linawin ang mga usapin tungkol sa "sexy dance" video nila ni Hayden na kumakalat ngayon sa mga Internet. Ngunit hindi katulad nang unang panayam kay Katrina na kampanteng nagpaliwanag tungkol sa naturang video, bumuhos ang luha at sama ng loob ng aktres nang makausap ng "StarTalk." "Ako po yun two years ago, two years nang nangyari yun," bungad ni Kat. "Yun ‘yong time na kami po ni Doc Hayden. May time na minsan nagbi-video kami, like yung time na nag-rehearse kaming dalawa. Tapos yung friend ko nag-video nun, mga ganun lang." Ngunit hindi umano alam ni Katrina na kumukuha rin ng sariling video nila si Hayden – na nang mga panahon iyon ay karelasyon din ni Dr. Vicky Belo. "Pero ‘di ko alam na nagbi-video video po siya. Hindi ko po alam na everytime na nagkikita kami may naka-set up pala na camera, hindi ko alam," pahayag ng aktres. Bagaman hindi naman talaga lubos na maituturing "nakakaiskandalo" ang nasabing "sexy dance" video nila ni Hayden, hindi naman batid ni Katrina kung mayroon pang ibang video na hawak ang dating nobyo. "Mayroon din akong interview na nagsasabi na ang proud proud ko na sa video, ang sexy sexy ko raw," ayon kay Katrina. "Alam nyo po ang video na ‘yon ‘pag tingin nyo sumasayaw. Oo, apektado ako, pero ano ba ang gustong makita ng ibang tao sa akin? Magpakamatay na ako sa sobrang kahihiyan? Di na ko makalabas ng bahay sa hiya ko sa sarili ko. Kailangan kong magpakatatag sa mga nangyayari di ba." May suspetsa na rin si Katrina kung saan nanggaling ang naturang video na kumakalat ngayon sa Internet. "Ang may hawak ng video tatlong tao lang yata, ayoko na pong isa isahin, tatlo o apat na tao. Apat na tao lang ang may alam ng video na ‘yon o tatlo, kung sino man yung apat na yun (ang nagkalat) hindi ko alam. Basta ayoko na lang magbanggit kasi ayokong manira ng buhay," sambit niya. Nagpupuyos naman si Katrina kaugnay sa ipinaabot na mensahe umano sa kanya ni Hayden sa pamamagitan ng isang kaibigan. "Basta nang lumabas yung video, sabi nya [Heyden] sa kaibigan ko: 'Everything is under control.' Di ba parang walang nang lalabas. The next day sasabihin niya: 'Videos are out. Stay away from the press.' Ano ‘to, ‘di ba? Anong gusto n’yang gawin? Durigin nya na ko nang buong-buo? Durugin nya ko sa kahihiyan na hindi ko ipinagtatanggol ang sarili ko, na tingin sa akin ng lahat ng tao ang sama sama ko," hinanakit ni Katrina. May iba pang video? Sa kabila ng problemang kinakaharap, sinabi ni Katrina na nakahanda siyang ipagtanggol ang sarili sa korte kung may iba pang video na lalabas. "Hindi po ako aware kung ano pa ang mga video na lalabas kasi hindi ko nga alam, hidden cam nya po yun, ‘di ba? Kung may ilalabas pa sila na masama e ‘di magkita-kita na lang po kami sa korte," ayon sa aktres. Dagdag ng dalaga: "Siguro naman kaya kong lumaban sa kanila kasi sobra naman nila akong dinudurog ‘di ba. Pero kung may isa pa, sabi ko po sa inyo kahit mawalan ako ng trabaho wala akong pakialam, lalaban po ako sa kanila." Sinabi ni Katrina na magkakahalo ang emosyon na nadarama ngayon dahil sa hindi matapos-tapos na kontrobersiya sa pagkakaugnay sa hiwalayan nina Hayden at Dr. Belo. Ano nga ba ang nararamdaman niya ngayon? "Marami eh mahirap isa isahin. Galit siyempre: Bakit ganun? Ang tagal na, taon na yun, ‘di ba. Tapos….tapos, kung ano man po ang kasalanan ko hinarap ko naman. Hindi naman lahat ng tao kayang harapin ang kasalanan na ginawa nila, tsaka ang kasalanan nila. Pero ako hindi ko naman sinisisi lahat yun kasi may kasalanan din naman ako. Pero ‘di ba umamin naman ako, hiningi ko naman ng tawad yung kasalanan ko. Bakit hanggat ngayon ayaw nila akong tantanan?" ayon kay Katrina na walang tigil sa pag-iyak. Apektado ang pamilya Inamin din ng aktres na matindi ang naging epekto ng kontrobersiya sa kanilang pamilya lalo na sa kanyang ina at kapatid. "Ngayon hindi po muna kami nag-uusap ng nanay ko, ng kapatid ko wala. Tatay ko lang po ang kinakausap ko ngayon. Siyempre naapektuhan na po sila ‘di ba. Sino bang matinong magulang na matutuwa sa mga nangyayari," pahabol ng Katrina. Sa gitna ng mga problema, inamin din niya na may pagkakataon na nais na niyang sumuko at tuluyang iwan ang showbiz. "Kung ayaw na sa akin ng trabaho ko uuwi na po ako sa probinsya namin, dun na lang po ako ‘di ba. Ako nandito lang ako kasi gusto pa ng tao sa akin. Siguro ilang buwan ngayon wala pa akong trabaho, uuwi na lang ako, at hindi yun parusa sa akin. Gustong gusto ko yung manahimik na ‘ko," pahayag ng aktres. Mensahe kina Dr. Belo at Hayden Habang tumatangis si Katrina, tila bumabalik naman sa normal ang buhay nina Dr. Belo at Hayden. Kamakailan nga ay nakitang magkasama ang dalawa na lumabas ng bansa. Ano ang masasabi ni Katrina sa kanila? "Babae din po naman siya, ‘di ba? Ayoko nang magpaliwanag. Siguro kung makasalubong ko si Doc Hayden baka masapak ko," aniya. "Sa akin kasi siyempre kahit papano ‘di ba pinasok ko yung relasyong na ‘yon, may respeto ako sa kanya, [sana] kahit papaano may respeto…alam mo yun, kahit hindi na lang respeto na iniisp ko, respeto bilang tao." Naghihimutok pang idinagdag ng aktres: "Tama nga ang sinabi nya: 'For fun.' Di ba yun naman ang sinabi nya dati. Di ba 'for fun.' Ngayon ko lang nalaman na siguro nga 'for fun,' Oo, sige tanga ako, sabihin ng mga tao tanga nga..sorry tao lang po nagkamali ako, sabihin nyo na tanga ako, tanga na nga ‘di ba." Sa nangyayari sa kanyang buhay ngayon, sinabi ni Katrina na malaking leksyon ang natutunan niya sa maling pag-ibig. "May mga trials talaga tayong pinagdadanan, ‘di ba? Ito na siguro ang pinakamalaking trial sa buhay ko na kailangan kong harapin," ayon sa aktres. May mensahe rin si Katrina sa mga taong nagmamahal at nakakaunawa sa kanya. "Sa mga tao na nagmamahal sa akin sa lahat: Kung ano man po ang nagawa ko pinagsisihan ko na po yun, pinagbabayaran ko na po, natuto na po ako. Pinipilit ko na pong kalimutan ang mga nangyari noon. Sorry po kung ganito ang mga nagyayari," pakiusap niya. At sa huli, umaasa si Katrina na matatapos na tila bangungot na intriga na kanyang kinakaharap. "Sana matapos na ang lahat, maayos na lahat, mabalik na yung trabaho ko, maayos na yung pamilya ko. Tama na kasi po durog na durog na po ako, kasi ayoko na," pag-asam ni Katrina. - Fidel Jimenez, GMANews.TV