ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

iGMA: Marian Rivera says she's happy for ‘Ding’ and ‘Dong’


Dalawang lalaki ang espesyal sa puso ngayon ng kinikilalang 'Primetime Queen' ng Kapuso Network na si Marian Rivera. Ang isa sa sidekick niya sa telefantasyang Darna, habang ang isa ay sidekick niya sa totoong buhay. Sa mga nakaraang linggo, napanood ng mga fans si Narda (mortal na karakter ni Marian Rivera) sa Darna kasama na ang kanyang sidekick na si Carding (ginagampanan ni Robert "Buboy" Villar na nakikipaglaban ng mga alagad ng kasamaan. Si Carding o Ding ang tanging nakakaalam ng tunay na pagkatao ni Narda, kaya naman ibang klase ang turingan ng magkaibigan. At sa totoong buhay, tinanong ng iGMA si Marian kung gaano ka-espesyal ang bonding nila ni Buboy, na sumikat sa una nilang tambalan ni Marian na Dyesebel. "Pangalawa pa lang (naming show na magkasama) sa Dyesebel at Darna pa lang. Naging break niya 'yung Dyesebel," kuwento ni Marian sa iGMA nang binisita sa set ng Darna sa Bulacan. "Kasi hindi niya ako tinitingnan as Marian Rivera, tinitingnan niya ako as ate. Well, ganun din ako sa kanya, kaya siguro maganda 'yung tandem naming dalawa," aniya. “Doon ako nagiging happy, dahil ibig sabihin lang nun pinagkakatiwalaan niya ako bilang ate, hindi bilang artista, or bilang Marian Rivera – bilang ako, bilang tao." At kahit pa pangalawang proyekto pa lang nila ni Buboy ang Darna, kapansin-panisn na kumportableng-kumportable na sila sa isa't-isa. "Oo, kasi on-the-spot na 'yun eh, "click." Kapag nagsama kami sa eksena 'yun na 'yun eh. May something na [talaga] eh," ayon kay Marian. "At saka inborn na siyang ganun, ako din ganito na, kaya nag-swak talaga kaming dalawa. Alam mo, 'yung ganun? Hindi na kailangan pag-aralan – automatic [na lahat]." Speaking of kakaibang bonding, hindi naman maipagkakaila na ang dating ka-love team ni Marian na si Dingdong Dantes ay may espesyal na lugar sa puso niya. Kaya hiningan na rin siya ng mensahe para sa upcoming series ng binata na Stairway To Heaven. "Message ko para kay Dong? Siyempre naging successful talaga 'yung Darna, [kaya] siyempre wish ko din na maging successful [din] siya,"sambit nito. "Kasi kahit ano man ang mangyari, nasa likod niya ako, at ipu-push ko talaga siya -- nandito ako para i-push talaga siya. Inihayag din ng dalaga na susuportahan niya si Dingdong sa mga proyekto nito. "Andito ako para suportahan siya, kahit ano pa 'yan, kahit gaano kahirap pa 'yan, andito ako para sa kanya," pangako ni Marian. Speaking of support, ano naman ang pakiramdam ni Marian sa patuloy na pag-ani ng Darna ng suporta from the viewers at ng magagandang feedback bukod pa sa matataas na ratings? "Happy ako, lalo na 'yung mga magagandang komento sa Darna 'di ba?" sagot niya. "'Pag may magagandang comments kang natatanggap sa ibang tao ay talagang nakakataba ng puso 'yun 'di ba? Masaya 'yun, wala nang comparison kahit papaano. Kaya laking pasasalamat ko rin." - Erick Mataverde/Connie M. Tungul, iGMA
Tags: marianrivera