ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Hayden Kho Jr confined at a hospital, says legal counsel


Kumalat nitong Biyernes sa mga text message ang balitang nagtangkang magpakamatay daw muli si Hayden Kho, ang kontrobersiyal na "ex-boyfriend" ng cosmetic surgeon na si Dra. Vicki Belo. Ayon pa sa natanggap na report ng PEP (Philippine Entertainment Portal) nitong Biyernes ng umaga, sa isang undisclosed hospital sa Tagaytay, Cavite, naka-confine si Hayden. Upang kumpirmahin ang balita, nagtanung-tanong ang PEP sa ilang mga taong malalapit o may kaugnayan kina Hayden at Dra. Belo. Pero halos lahat sila ay ayaw magsalita. Ang iba sa kanila ay hindi sinasagot sa mga tawag o nakapatay ang kanilang mga cellphone. Sa pangangalap ng impormasyon ng PEP, may mga nakapagbigay ng ilang maliliit na detalye ngunit hiniling nilang huwag ipabanggit ang kanilang mga pangalan. May nagsabi sa PEP na posibleng hindi sa Tagaytay naka-confine si Hayden kundi sa Sta. Rosa, Laguna. Ayon sa source, may TV crew raw ng primetime show sa isang malaking network ang nakatisod ng impormasyong ito. Isang anggulo rin na galing sa isa pang source ang nagsabing matinding depression daw ang nagtulak kay Hayden para uminom ng pills, at magmaneho patungong Tagaytay, kung saan nakabangga umano siya ng isang puno. Ito raw ang dahilan ng kanyang pagkaka-ospital. Ayon naman sa isa pang nakausap namin, ang balitang naospital si Hayden ay naitala raw sa police report ng Tagaytay Police, pero hindi malinaw kung ano ang dahilan. May nagsasabi rin na nasangkot sa isang vehicular accident ang cosmetic surgeon na kamakailan ay tinanggalan ng lisensiya ng Philippine Regulation Commission (PRC). Inilabas ng PEP ang usap-usapan tungkol sa umano'y pagtatangka pagpapakamatay ni Hayden sa PEP Alerts pasadong alas-otso ng gabi, habang kumukuha pa kami ng karagdagang impormasyon. STATEMENT FROM MANILA DOCTORS HOSPITAL. Sinubukan din ng PEP na kontakin ang legal counsel ni Hayden na si Atty. Lorna Kapunan ng Kapunan Lotilla Garcia & Castillo Law Offices. Sa pamamagitan ng text message na ipinadala ng PEP managing editor na si Karen Pagsolingan dakong 9:07 p.m., tinanong si Atty. Kapunan kung may statement silang ilalabas kaugnay ng kumakalat na balita na muling nag-suicide attempt daw si Hayden. Pagkalipas ng halos isang oras—10:05 p.m., to be exact—nakatanggap ng kasagutan ang PEP mula sa abogado ni Hayden. Subalit idinagdag sa dulo ng statement ang "From Manila Doctors Hospital," na nasa U.N. Avenue, Ermita, Manila. Narito ang kabuuan ng text message: "Dr. Hayden Kho, Jr. was admitted to this hospital very early this morning [December 4]. He was running a very high fever and was throwing up with severe abdominal pains. "Initial impression is that he is suffering from intestinal flu, although stress-induced gastric ulcer is also being considered. "The Kho family is requesting for privacy. No visitors are allowed at this time. "He was admitted under the care of his father, Dr. Hayden Kho." Bukod dito ay wala nang karagdagang impormasyong ibinigay si Atty. Kapunan sa PEP, o kung ano ang dahilan ng pagsusuka at pananakit ng sikmura ni Hayden. Hindi rin malinaw kung sa Manila Doctors Hospital unang na-confine si Hayden, o dinala siya rito mula sa ospital sa Tagaytay o Sta. Rosa, Laguna, gaya ng isinaad sa mga unang report. At lalong hindi malinaw kung bakit tikom ang bibig ng mga taong malalapit kay Hayden gayong isang sakit ang umano'y dahilan ng pagkakadala sa kanya sa hospital. LICENSE REVOKED. Naging laman ng balita si Hayden ngayong taon dahil sa pagkalat sa Internet ng sex videos niya kasama ang aktres na si Katrina Halili at iba pang mga babae. Umabot sa Senado at iba't ibang sangay ng gobyerno ang isyu, na naging usap-usapan sa alinmang sulok ng Pilipinas. Ang pinakahuling kaganapan ay tinanggalan ng lisensiya si Hayden bilang doktor na ang simula ay noong November 20. Ito ay may kinalaman sa reklamong inihain laban sa kanya dahil nga sa pagkalat ng sex videos. Ayon sa desisyon ng PRC Board of Medicine, napatunayan nilang guilty sa "Immorality; Dishonorable and/or Unethical Conduct" si Hayden. Ito ang dahilan kaya ni-revoke nila ang authority nito "to practice the Medical Profession." Bagama't nagbaba na ng desisyon ang PRC, maaari pa ring maghain ng apela si Hayden. Pero sa ngayon, revoked ang lisensiya niya bilang doktor. Matatandaang noong December 2008 ay nagtangka ring magpakamatay si Hayden sanhi ng breakup nila ni Dra. Vicki Belo. Dito rin unang umusok ang balita tungkol sa sex videos ni Hayden na napatunayang totoo nga nitong May 2009. - Erwin Santiago, PEP