ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Marian Rivera on 'selosa' tag: ‘Sa totoo lang, naririndi na ako’


PEP: Proud si Marian Rivera na sabihing siya ang "lucky charm" ni Dingdong Dantes kaya sunud-sunod ang tagumpay na nakakamit ng kanyang boyfriend. Kabilang sa latest achievements ni Dingdong ang pagkakapili niya bilang Youth Ambassador ng National Commission of Culture and Arts, ang pagkapanalo niya ng Best Drama Actor sa 24th Star Awards for TV, at ang huli ay ang nomination niya as Best Actor sa 15th Asian Television Awards. "Siyempre, happy ako para sa kanya. O, di ba, simula noong dumating ako sa buhay niya, ako yung lucky charm niya! "Kasi siya, lucky charm ko rin naman siya, e. Halos lahat nangyayari ng tama, maganda, maraming blessings. "So, ibig sabihin talaga ay nagkaka-swak kami sa bawat aspeto ng ginagawa namin," pahayag ni Marian nang ma-interview siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng pinagbibidahan niyang pelikulang Super Inday and the Golden Bibe noong Lunes, November 15, sa Imperial Palace Suites. Hindi naman daw nakakaramdam si Marian na parang napag-iiwanan na siya ni Dingdong. "Bakit ako malulungkot na tumataas siya at dumarami ang achievements, e, lahat naman ng mga 'yan, ako ang inspirasyon niya para makuha yun? Okay lang po yun. "Kasi kami naman ni Dingdong, hindi naman po kami nagko-kumpitensiya. Dapat nga po ikatuwa mo na yung partner mo, umaangat. So, dapat maging masaya ka para sa taong mahal mo. "Kasi ako, pag may achievement din ako, siya ang nauunang natutuwa para sa akin, e. So, ganun lang din ako sa kanya," saad niya. DIFFERENT LEADING LADY. Natutuwa raw si Marian na sa kanya inalay ni Dingdong ang Best Actor trophy nito sa Star Awards. "Saan ka pa, di ba? Hindi na nga ako ang kasama niya sa soap, pero sa akin pa rin niya dine-dikayt. O, di ba, ang haba ng hair ko!" natatawa niyang sabi. Ang kapareha ni Dingdong sa Stairway to Heaven ay si Rhian Ramos. Ano ang masasabi niya na kung kailan hindi siya ang ka-partner ni Dingdong ay saka ito nanalo ng acting award? "Mas okay kasi at least, kung anuman yung binabatikos sa kanya, e, napatunayan niya sa sarili niyang pamamaraan. Masaya ako para sa kanya dahil hindi niya kailangan mag-rely lang sa tandem namin," sagot ni Marian. Siya ba ay naghahangad namang manalo ng Best Actress? "Ay, mahirap maghangad ng ganyan," sabi niya. "Ang importante ay enjoy ako sa trabaho ko. "Nanalo rin [sa Star Awards] ang Show Me Da Manny na puro pang-aliw lang ang ginagawa namin. Tapos, maganda rin namang natapos ang Endless Love, marami rin naman ang pumupuri. Tapos, may gagawin pa akong epicserye sa GMA. "So, siguro hinay-hinay lang din. Hindi naman komo't yung partner ko ay ambassador na at best actor pa... Ganun siya, e. "Ako, simple lang ang buhay ko. Artista ako, aarte ako at masaya ako. Sekretarya na lang niya ako!" biro ni Marian. NO TAMPUHAN, NO SELOSAN. Dahil nga kapansin-pansin ang pagiging maayos ng relasyon ni Marian kay Dingdong, naitanong tuloy ng PEP kung kailan sila huling nagkatampuhan ni Dingdong. "Tampo, sa totoo lang, ang tagal na naming hindi nagtatampuhan ni Dong. Kasi, simula din nang maghiwalay kami sa Endless Love, wala nang dahilan para magtampuhan kami. "Basta sa tuwing nagkikita kami, 'Oy, kumusta ka na?' Okay na okay kami sa isa't isa. Sabik na sabik kami. Miss na miss namin ang isa't isa. "So, wala nang dahilan para magtampuhan pa, sayang yung oras. Love, love na lang," pahayag niya. Hindi rin daw apektado si Marian sa mga isyu na nali-link si Dingdong sa ibang aktres. "Hindi, e, keber ko ba diyan!" bulalas niya. "Nakakatawa lang kasi after naman din ng mga isyu na 'yan, sa totoo lang, hindi ako affected at keber ko talaga. "Kasi si Dong talaga ay very vocal after ng mga isyu na ganyan, nagsalita siya na very much in love kami sa isa't isa, masaya ang relationship namin, palagi kaming magkasama. "So, kung yung partner ko nga ganun na yung sinasabi, bakit ko pa iintindihin yung mga nakapaligid na ganun?" Ano ang masasabi niya na ang tingin ng ilan ay selosa siyang girlfriend? "Siguro yun ang nakikita nila. Hindi naman natin sila masisisi. "Pero kami ni Dong, alam namin kung ano yung totoo. Bukod doon sa bibig na niya nanggaling kung anong klaseng relasyon meron kaming dalawa. "Sabi ko nga kay Dong minsan, 'Alam mo, Dong, magpanggap ka kayang bakla para wala na tayong isyu sa mga ganyan.' Tapos ako, tibo. Okay na ako doon!" natatawang sabi ni Marian. Nagsasawa na raw si Marian sa mga isyu tungkol sa pagseselos niya sa mga babaeng nali-link sa boyfriend niya. "Alam mo, pag nag-uusap nga kami ni Popoy [Caritativo, manager niya], 'O ano na naman 'yan? Selos na naman. Sino na naman ang bagong pinagseselosan ko raw?' "Wala na bang alam na ibang isyu kundi puro selos? Sa totoo lang, naririndi na ako! "Ano pa ba ang kailangang patunay? Nagsalita na ako, nagsalita na si Dong. So, ano pa ang kailangang patunay para sabihing hindi ako nagseselos?" saad niya. - Glen P. Sibonga, PEP