ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Joanna Marie Tan is more comfortable now playing kontrabida


Simula nang kunin bilang batang Eunice sa local TV adaptation ng Koreanovela na Stairway to Heaven, nagkasunud-sunod na ang pagganap bilang kontrabida ng teen actress na si Joanna Marie Tan sa ilang drama series ng GMA-7. Pagkatapos kasi ng Stairway to Heaven, gumanap ding kontrabida si Joanna sa First Time, Basahang Ginto, The Last Prince, Bantatay, at Tween Hearts. Pero okey lang naman daw sa kanya ang pagganap sa kontrabida roles dahil sunud-sunod ang nagiging trabaho niya. At sa bawat kontrabida role na ibigay sa kanya ay meron daw siyang bagong natututunan sa pag-arte. "Wala naman pong problema sa akin ang gumanap na kontrabida kasi bagay naman daw sa akin!" natatawang sabi ni Joanna sa panayam sa kanya ng PEP (Philippine Entertainment Portal). "Kahit daw hindi ako nagsasalita, nararamdaman na nila ang pagiging mataray ko. Sa mga mata ko na lang daw, nakikita na nila na kontrabida ako. "Isa 'yan sa mga natutunan ko sa mga direktor na nakakatrabaho ko sa iba't ibang series. Nakatrabaho ko na po sina Direk Joyce Bernal, Direk Joel Lamangan, Direk Gina Alajar, Direk Andoy Ranay, Direk Don Michael Perez, at Direk Mac Alejandre. "Marami akong natutunan na iba't ibang paraan sa pag-arte lalo na sa pagiging kontrabida." Dagdag niya, "Nagpapasalamat nga po ako sa kanila kasi nagkaroon ako ng chance na makatrabaho sila. Kaya tuwing may bagong series akong gagawin, ina-apply ko yung natutunan ko from the last director na nakatrabaho ko." ALAKDANA. Ngayon ay kasama si Joanna sa malaking cast ng bagong afternoon drama series ng GMA-7, ang Alakdana, ang launching vehicle ng Tween Hearts cast member na si Louise delos Reyes na gumaganap bilang si Adana. Siyempre pa, isa na namang kontrabida role ang ginagampanan niya rito bilang si Veronica, ang kapatid sa ama ni Adana. "Sabay kasing nagbuntis ang mother ko at ang mother ni Adana sa kuwento. Mommy ko rito si Jobelle Salvador [as Zoila] at ang kay Adana naman ay si Jean Garcia [as Teresa]. Ang father namin dito ay si Matthew Mendoza [as Vergel]. "Magkakaroon ng conflict sa amin ni Adana habang lumalaki kami. At may itinatagong lihim sa kanyang pagkatao si Adana," paglalarawan ni Joanna. Masasabing biggest break ni Joanna ang Alakdana sa pagganap niya bilang young kontrabida. Mas malaki kasi ang papel niya rito at makikipagtagisan siya sa pag-arte sa bidang si Louise. "Kinakabahan nga po ako kasi magaling umarte si Louise," sabi ni Joanna. "Once ko lang po nakasama si Louise noong mag-guest ako sa Tween Hearts. Pero marami na akong naririnig na kuwento from the staff na magaling umarte si Louise, kaya kailangan kahit papaano ay masabayan ko siya. "Pero magkaiba naman kasi ang roles namin. Kailangan aapihin ko siya rito. Marami kaming mga gano'ng eksena ni Louise kaya pinaghahandaan namin 'yan. "Friends kami ni Louise kaya may pinag-usapan na kami na kapag may masaktan man sa amin, mag-sorry kami kaagad sa isa't isa." Dahil sa Alakdana ay kinailangang mawala si Joanna sa Bantatay kunsaan kontrabida naman siya kay Krystal Reyes. "Nalungkot nga ako kasi magpapaalam na ako sa Bantatay. Sinabihan na po ako na mag-a-abroad ang character ko. Kailangan ko raw mag-concentrate sa Alakdana. "Mami-miss ko ang cast at crew ng Bantatay kasi sobrang saya kami sa set kapag nagte-taping kami," sabi niya. Sa January 24 na magsisimula sa GMA-7's Dramarama Sa Hapon ang Alakdana pagkatapos ng Eat Bulaga!. Sa January 26 naman ito simulang mapapanood sa GMA Pinoy TV sa USA, Canada at Asia Pacific. - Ruel J. Mendoza, PEP