Muling nag-pose ng walang saplot sa katawan ang actress-host na si Alicia Mayer para sa bagong kampanya ng pro-vegetarian group na People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) Asia. Sa kuha ng sikat na photographer na si Raymund Isaac, makikita si Alicia na walang saplot at tila walang buhay habang nakahiga sa isang lamesa na gawa sa bakal.

Ang naturang kuha ni Mayer ay patama umano sa industriya ng karne. "Hinahamon ko ang mga Pilipino na pag-isipan kung ano talaga ang karne," ayon sa aktres. "Ang pagkain ng karne, manok at isda ay nangangahulugan ng pagkain ng bangkay ng isang pinahirapang hayop na hindi ninais ang kamatayan." Hinimok ni Alicia ang publiko na subukan na maging vegetarian. Minsan na ring nagpakuha ng larawan para sa campaign ad ng PETA si Alicia na gulay lamang ang nakatakip sa maselang bahagi ng katawan. Sa isang pahayag ng PETA nitong Miyerkules, sinabing mahigit 750 milyong hayop ang kinakatay para sa karne taun-taon sa Pilipinas. Sa mga factory farms kung saan siksikan na ikinukulong ang mga hayop, karamihan umano sa mga ito ay tumatayo sa kanilang ihi at dumi, at walang komportableng tulugan. Binigyan-diin din ng PETA ang kalupitan sa mga hayop katulad ng ginagawang pagtatak sa balat ng mga baka gamit ang nagbabagang bakal, tinatanggalan ng sungay, at kinakapon ng walang pampamanhid. Samantala, ang mga baboy umano ay kinakapon, binabali ang buntot at ngipin. Habang dinodroga para lumaki ang dibdib ng mga manok. Ang hindi umano pagkain ng mga hayop ay nakatutulong para makaiwas sa mga nakamamatay na sakit tulad ng kanser at heart stroke. Bukod sa usaping pangkalusugan, sinasabing may epekto rin sa kapaligiran ang pagkonsumo ng mga hayop. Dahil sa demand ng tao sa karne, kailangan silang paramihin. Ngunit ang pagpapastol ng mga hayop ay nagiging dahilan para pagkapinsala ng mga lupa at sinisira din nila ang mga halamanan. âAng mga kagubatan sa China at South America ay nasisira para bigyang daan ang pagpapastol o pagtatanim ng mga pagkain na ipapakain din sa mga hayop," ayon sa pahayag ng PETA. May ulat din umano na galing sa United Nations kamakailan na naghihikayat sa veggie diet upang labanan ang pinakamasamang epekto ng climate change. âMalinaw ang ebidensyaâ¦Ang pagiging vegetarian ang pinakamahusay at pinakasimpleng paraan para (kapakanan) ng mga hayop, sa planeta, at sa iyong sarili," ayon kay Jason Baker, bise presidente ng PETA Asia for International Operations. Kasama si Alicia sa kampanya para itigil ang pagkain ng karne ang mga international stars na sina Pamela Anderson, Natalie Portman, Sir Paul McCartney, Maggie Q, at Barbie Hsu. -
FRJimenez, GMA News