Aminado ang tinaguriang "Princess of Indie" na si Mercedres Cabral na nalulungkot siya kapag nababansagang “bold star” dahil sa mga daring role niya at hindi nabibigyan pansin ang lalim ng kanyang ginagampanan sa mga pelikula. Sa ulat ni Glen P. Sibonga na lumabas sa
Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) nitong Biyernes, sinabi ni Mercedes na flattered naman siya kapag tinatawag na "Princess of Indie" dahil na rin sa sunud-sunod na indie movies na kanyang nagagawa. Katunayan, maging sa ibang bansa ay mas napapansin ang husay niya sa pag-arte kapag napapalabas doon – kabilang sa Cannes Film Festival – ang kanyang pelikula gaya ng Serbis at Kinatay na kapwa sa direksiyon ni Brillante Mendoza. "Napa-flatter ako na matawag na ganun,” anang aktres. “"Pero ang sa akin kasi, hindi importante yung titulo. Ang sa akin kasi, gusto ko yung pag-arte. ‘Pag nakatanggap ako ng script at nagustuhan ko ang istorya, tinatanggap ko.” Nilinaw niya na tinatanggihan niya ang isang pelikula kung may eksena ito na paghuhubarin siya kahit sa tingin niya ay hindi naman kailangan. "Nagkataon kasi na after ng
Serbis, na-peg ako sa ganung sexy role, e.,” ani Mercedes. “Pero may mga tinanggihan na ako na offers kasi nung binabasa ko yung script, sobrang wala akong sense na mahanap na lalim sa ipinapagawa nilang paghuhubad ko. So, pag ganun, tinatanggihan ko talaga." Ang
Crossroads ang bagong pelikula ni Mercedes. Dahil nalinya sa mga sexy roles, madalas din siyang tawaging "hubadera" o "bold star." At nang tanungin siya kung nasasaktan ba siya sa sinasabi ng iba tungkol sa kanya, tugon ng aktres: "Oo naman. Parang nung nag-uumpisa ako, sinasabi nila starlet ako, bold star, ganun. Nakakalungkot lang na yung ibang audience natin, ganun mag-isip.” Patuloy pa niya: “Makakita lang ng bed scene, bastos na agad ang tingin. Sasabihin na nila na 'bold star 'yan, ganyan-ganyan. Nakakalungkot lang na hindi nila nakikita yung lalim ng ginagawa ko, na seryoso akong artista at ginagawa ko yung trabaho ko.” Iginiit niya na ang paghuhubad niya sa harap ng camera ay bahagi lamang ng kanyang trabaho. Pagtatapat pa ng aktres, nakakatanggap siya ng mga indecent proposal na ipinapadaan sa pagpo-post ng message sa Facebook na hindi niya mga kilala. "Like may nagme-message na P50,000 or more a night, yung ganun. Sa akin, sobrang nababastusan ako kasi hindi ako ganung klaseng tao. Hindi ako desperado sa pera,” ayon kay Mercedes. "Pinaghihirapan ko bawat sentimo na natatanggap ko. Kung nasaan ako ngayon, pinaghihirapan ko ito e, para sa pangalan ko rin at para irespeto rin ako ng mga tao," pahayag niya. --
FRJ, GMA News