Ama ni Tyron Perez, hindi makapaniwala na kikitlin ng aktor ang sariling buhay
Dinagsa ng mga tagahanga at kababayan ang burol sa Concepcion, Tarlac ng dating Starstruck avenger na si Tyron Perez o Jojo Perez sa tunay na buhay. Mula sa Manila, inilipat ang mga labi ni Tyron sa Alfonso Chapel sa kanyang bayan sa Concepcion, Tarlac. Mismong ang ina nitong si Lucia Perez at kanyang lola Maria ang nangunguna sa pagdarasal. Emosyonal pa rin ang ina nito at hindi makapaniwala sa maagang pagkawala ng 26-anyos na aktor. Hinihinalang nagbaril sa sarili si Tyron dahil sa problema sa buhay at pera. Natagpuan ang kanyang mga labi sa loob ng isang kotse sa Valenzuela City noong Huwebes ng gabi. Sinabi ng mga kamag-anak ng aktor na wala itong malaking problema na naiikwento sa kanila. “Mabait ‘yan na anak… Hindi ko naman sinasabi kung sino pero alam ko hindi niya ‘yon magagawa," pahayag ni Carlito Perez, ama ni Tyron. “Nabigla talaga kami. Tinatawagan namin siya pero hindi naman niya sinasagot. Nagulat na lamang kami noong Dec. 29, natagpuan na lang siyang patay. Napakabait talaga niya," ayon naman kay Jenny, kapatid ng aktor. Dumagsa sa burol ni Tyron ang kanyang mga fans mula pa sa iba’t-ibang lugar. Maging ang kanyang mga naging guro sa high school ay bumisita rin para magbigay ng huling respeto sa aktor. “Kapag umuuwi ‘yan sa Tarlac bumibista sa school naming. Kaya pati rin kami nagulat," ayon kay Leticia Dizon, naging guro ni Tyron. Bagamat wala na umano ang kanilang idolo, mananatili naman sa puso nila ang ala-alang iniwan ng aktor. “Proud kami kasi may Tyron Perez na nagmula dito," aniya Jeraldine Quitillen, estudyante. Magiging bukas sa publiko ang burol ni Tyron hanggang sa Miyerkules. Sa Huwebes naman ay nakatakdang ilibing ang aktor sa Shrine Cemetery sa Concepcion, Tarlac. -- Joanne Ponsoy/ FRJ, GMA News