ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Misis ni Sen Lito Lapid, hinuli sa Las Vegas dahil sa pagpupuslit umano ng pera


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kinumpirma ni Sen Lito Lapid ang pagkakahuli sa kanyang misis sa Las Vegas kaugnay sa hindi pagdedeklara ng dala nitong pera na umaabot umano ng US$50,000. Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ng actor-politician na handa ang kanyang misis na si Marissa na harapin at idepensa ang sarili sa kinakaharap na asunto. "Nakakalungkot ang pangyayaring ito pero handa naman ang asawa ko na sagutin ang anumang issue tungkol sa insidente at may abogado na siya na nag-aasikaso doon," ayon sa senador. Una rito, iniulat sa media na dinakip sa US noong nakaraang taon si Marissa dahil sa pagdadala umano ng $50,000 na higit sa $10,000 na pinapayagan sa ilalim ng US Customs and Border Protection. Bagaman kinumpiska ang dala niyang pera, pinalaya ng mga awtoridad si Marissa habang hinihintay ang resolusyon tungkol sa kinasangkutang insidente. Nakasaad sa US Customs and Border Protection na, "If you and your travel companions together are carrying $10,000 or more in cash or other negotiable instruments such as endorsed checks, you must declare it. If you do not, it is subject to forfeiture. Your money is not subject to taxation or duty." Nitong nakaraang linggo ay dinakip na ng mga awtoridad sa Las Vegas si Mrs Lapid kaugnay sa nasabing kaso matapos umanong lumabas ang warrant. Sinabi ni Sen Lapid na nakabinbin pa ang kaso pero pansamantalang nakalalaya na ang kanyang maybahay matapos na maglagak ng piyansa. "Naghihintay pa rin kami ng detalye mula sa mga abogado niya at mas nararapat na rin na maghintay muna ng impormasyon mula sa kanila," nakasaad sa pahayag ni Lapid. – FRJ, GMA News

Tags: litolapid