Broken Vow: Love, betrayal and revenge
Patitindihan pa ng GMA-7 ang afternoon prime block sa paghahandog ng pinakabagong drama series na Broken Vow, na kinabibilangan ng mga pinakamahuhusay na dramatic stars ng Kapuso Network. Simula sa February 6, mapapanood ang Broken Vow na katatampukan nina Bianca King bilang si Melissa Santiago; Gabby Eigenmann bilang si Roberto Sebastian; Luis Alandy na gaganap sa karakter na si Felix Rastro; at Rochelle Pangilinan bilang si Rebecca Sta. Maria. Ang kwento ay iikot kay Melissa, isang attractive and street-smart woman na iibigin ni Roberto, na isa namang mayamang konsehan ng isang bayan. Kahit magkaiba ang kanilang mundo, mahuhulog sa isa’t isa ang dalawa at magpaplanong magpakasal. Ngunit isang mapait na karanasan ang sasapitin ni Melissa sa kamay ng isang grupo ng mga lalaki na dudukot sa kanya at hahalay. Hindi rin makikilala ni Melissa ang mga taong magsasamantala sa kanya. Ang masamang pangyayari kay Melissa ay mabilis na kakalat sa kanilang lugar at maging ang pamilya ni Roberto ay madadamay. Sakabila nito, maninindigan si Roberto para kay Melissa at nangakong pakakasalan pa rin niya ito sakabila ng nangyayari. Subalit isang araw bago ang kasal, mawawalan ng malay si Melissa at madidiskubre ni Roberto na buntis ang babaeng kanyang pinakamamahal. Bagay na magpapabago sa kanyang desisyon at magpapasyang iwan na si Melissa. Ang mapait na kapalaran ay magtutulak kay Melissa na wakasan ang buhay sa pamamagitan ng pagtalon sa isang tulay. Dito ay maililigtas siya ni Felix na magiging pangalawang lalaki na kanyang mamamahalin. Abangan ang buong kwento ng buhay ni Melissa sa Broken Vow, pati na ang pagbabalik sa kanyang buhay si Roberto at iba pang mga pagsubok na kanyang pagdadaanan at pati na ang kanyang anak. Kasama rin sa Broken Vow sina Marco Alcaraz, Juan Rodrigo, Carmi Martin, Matet de Leon, Jace Flores, Pancho Magno, Lou Sison, Melissa Mendez, Kryshee Grencia at si Ms. Celia Rodriguez. Sa direksiyon ni Gil Tejada Jr. at nilikha sa panulat ni Dode Cruz, mapapanood ang Broken Vow simula sa February 6, pagkatapos ng Ikaw Lang Ang Mamahalin sa GMA Afternoon Prime. -- FRJimenez, GMA News