ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

PNoy sa ‘romantic affair’ nila ni Grace Lee: ‘Maayos naman.’


Hindi nakaligtas maging sa mga mag-aaral ng La Consolacion College Manila, ang umuusbong na magandang ugnayan nina Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III at Kapuso host na si Grace Lee. Sa pulong-bayan nitong Huwebes na isinagawa ni Aquino sa nabanggit na kolehiyo, kunsaan sinagot niya ang iba't ibang katanungan tungkol sa kanyang pamamahala, isang estudyante ang nakibalita rin tungkol sa kanila ni Grace. Nakangiti namang tumugon ang 52-anyos na binatang pangulo ng: “Maayos naman." Dito ay ikinuwento na rin ni Aquino ang umano’y “pangha-harass" na naranasan ng ina ni Grace. Bagaman may-ari ng isang grocery, napilitan umano ang ina ni Grace na magpanggap na kostumer para makaiwas sa mga taong bumubuntot sa kanila. “Naha-harass naman po ‘yung mga tao. Wala naman po sigurong mga matutuwa kung gagawin sa atin ‘yon. Kawawa naman ‘yung mga nadadamay na nagugulo ‘yung buhay nila. Hindi naman ho dapat," pahayag ng pangulo. Matatandaan na ilang linggo pa lang ang nakalilipas nang aminin ni Aquino na lumalabas sila ng 29-anyos na Kapuso host. Kasunod nito ay naging “instant celebrity" si Grace, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa Korea kung saan siya isinilang. Dahil na rin sa mataas na interes ng media at publiko tungkol sa buhay-pag-ibig ng binatang pangulo, nakiusap si Grace na bigyan sana sila ng privacy habang kinikilala nila ang isa’t isa. Unang nagkita sina Aquino at Grace sa isang pagtitipon sa Cebu noong kalagitnaan ng 2011. Pero sinasabing nagkapalagayan lang sila ng loob nang maka-one-on-one interview ni Grace si Aquino Sa Malacanang noong Disyembre. -- FRJimenez, GMA News