ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Jose Manalo, itinanggi ang mga alegasyon sa kanya ng asawa


Kasabay ng pag-amin na dumadaan sa matinding pagsubok ang pagsasama nila ng kanyang misis na si Anna Lyn, mariing itinanggi ng TV host at comedian na si Jose Manalo ang mga alegasyon ng kanyang asawa. Nakasaad sa isang pahayag na ipinadala ng kampo ni Jose sa Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Martes, na ikinalungkot ng Eat Bulaga host ang ginawang pagpapa-interview ng kanyang misis sa media dahil hindi umano iyon makatutulong para sa maayos ang kanilang mga problema. Bukod dito, hindi rin umano iyon makabubuti sa kapakanan ng kanilang mga anak. Una rito, kinasuhan ni Anna Lyn ng paglabag sa Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004, si Jose dahil umano sa pang-aabuso sa kanya at pagpapabaya sa kanilang mga anak. Batay sa lumabas na mga ulat, mayroon din umanong ibang babae si Jose. Sinabi naman ng kampo ni Jose na nakatanggap na sila ng kopya ng complaint-affidavit ni Anna Lyn at naisangguni na ito ng TV host/comedian sa kanyang mga abugado para sa karampatang aksyon. “Pinayuhan si Jose na pansamantalang huwag magbigay ng anumang pahayag patungkol sa nabanggit na akusasyon. Bukod sa nasabing demanda, walang nalalaman pang ibang kaso si Jose na isinampa laban sa kanya ni Anna Lyn," nakasaad sa naturang pahayag. Kasabay nito, mariin ding pinabubulaanan ni Jose ang alegasyon ng kanyang misis na mayroon siyang ibinabahay na babae, at ipaliliwanag ito sa tamang panahon. “Mariin ding pinabubulaanan ni Jose ang anumang alegasyon ng pagpapabaya, mapa-pinansyal o iba pa, sa kanyang mga anak kay Anna Lyn," paliwanag pa ng kampo ni Jose. Ang katotohanan, patuloy umano ang ibinibigay na suporta ni Jose sa kanyang mga anak sa abot ng kanyang makakaya. "Alang-alang kay Anna Lyn at sa kanilang mga anak, pilit na iniiwasan ni Jose na gumawa ng mga legal na hakbang laban kay Anna Lyn kaugnay ng iba't ibang mga insidenteng kinasasangkutan nito at iba pang mga gawain ni Anna Lyn na naka-pinsala pati sa mismong mga magulang ni Jose," ayon pa sa pahayag. Noong 2009, matatandaang nasangkot si Anna Lyn sa multi-million jewelry "scam" kung saan nadamay din sa asunto si Jose. Dahil sa naturang asunto, mapilitan noon si Jose na magbakasyon sa programa. Sa pahayag nitong Martes, nakiusap umano si Jose sa media na bigyan sila ng pagkakataon ng kanyang misis na si Anna Lyn na lutasin ang kanilang problema sa pribado at matahimik na paraan. -- FRJimenez, GMA News