ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Willie Revillame, papasukin na ang pulitika?


Inihayag ng television host na si Willie Revillame ang pagtatayo niya ng isang organisasyon na ipinarehistro na niya sa Commission on Elections (Comelec) para isabak sa party-list elections sa 2013. Sa ulat ni Nerisa Almo na lumabas sa Philippine Entertainment Portal (PEP) nitong Huwebes, inanunsyo umano ni Willie ang kanyang organisasyon na 1 Wil Serve sa kanyang television show nitong Miyerkules. Layunin daw ng itinayong organisasyon ni Willie na makatulong sa mga Pilipino. Pero nilinaw din niya na hindi siya ang tatakbo sa halalan para mamuno sa party-list group. Katulong umano ni Willie sa pagtatayo ng party-list group si Atty. Ferdie Domingo. Ginawa raw ito sa kaarawan ni Willie noong nakaraang taon. Sakaling maaprubahan ng Comelec ang 1 Wil Serve, magiging multi-sectoral party list daw ang organisasyon na maaring magsilbi sa mga mahihirap, matatanda, kababaihan, at pati na ang mga propesyunal. Sa kasalukuyan mayroon na umanong 3,000 miyembro ang organisasyon. Sa ilalim ng batas, hanggang tatlong nominado sa isang party-list group ang maaaring maupo sa Kamara de Representantes bilang mambabatas. Ito ay depende sa dami ng boto na makukuha ng isang organisasyon. Gaya ng mga karaniwang kongresista na nakaupo sa Kamara, mayroon ding sariling opisina at mga staff, at Priority Development Assistance Fund (PDAF), na mas kilala bilang pork barrel na umaabot sa P70 milyon ang mga party-list representantive. Isa sa mga kilalang party-list representative ngayon ay si Juan Miguel "Mikey" Arroyo, na kinatawan ng organisasyong Ang Galing Pinoy, na kumakatawan sa mga security guard at tricycle driver. Noong nakaraang May 2010 presidential elections, naging masigasig si Willie sa pagkampanya sa kandidatura ng natalong presidential candidate na si Sen Manny Villar. -- FRJimenez, GMA News