Halos tatlong buwan pa lang ang nakalilipas mula nang aminin nina Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III at television host Grace Lee na nagdi-date sila, ngunit may umugong na kaagad na balitang nagkakalabuan na ang dalawa. Ang naturang ulat ay lumabas sa isang news website, batay umano sa impormasyon na ibinigay ng tatlong source mula sa Malacañang na malapit daw sa 52-anyos na binatang pangulo.

Clockwise: Grace Lee, Liz Uy, Patricia Ann, Barbie Paragos, Shalani Soledad, at Bunny Calica.
Ngayong Abril daw nagdesisyon ang dalawa na maghiwalay, bagaman wala namang opisyal na kumpirmasyon na naging magkasintahan nga sina Grace atPNoy. Sa isang tweet, nagpahayag ng pagkadismaya ang Kapuso host na si Grace sa lumabas na ulat. “I was just thinking the other day the media is eerily quiet about my personal life lately. Before I can fully savor it, here we go again..." ayon sa 29-anyos na si Grace. Itinanggi rin ng isang source ng GMA News sa Malacañang na nagkakalabuan na sina PNoy at Grace. Ang katotohanan, lumabas at magkasama pa nga raw ang dalawa ilang araw bago lumabas ang balitang hiwalay na ang mga ito. Tumanggi ang source na magpabanggit ng pangalan dahil hindi siya awtorisado na magsalita tungkol sa buhay pag-ibig ng pangulo.
Mga naiugnay kay PNoy Nang lumabas ang balita tungkol sa pagdi-date nina Aquino at Grace, nagbigay ng prediksyon sa kanyang radio program ang kontrobersiyal na si DJ Mo Twister tungkol sa itatagal ng relasyon ng dalawa. Si Mo ay kaibigan at kasama ni Grace sa radio program. Hula ni Mo, posibleng tumagal lamang ang relasyon ng dalawa hanggang Agosto, o anim na buwan makaraang aminin ng dalawa na nagdi-date sila. Mula nang magkahiwalay sina Aquino at dati nitong kasintahan na si Valenzuela Councilor Shalani Soledad (na ngayon ay Mrs. Romulo na) noong Nobyembre 2010, naugnay na sa iba’t ibang babae ang pangulo. Bukod kay Grace Lee, kabilang sa mga ito ang stylist na si Liz Uy, si Barbie Palagos, banker na si Len Lopez, teacher na si Bunny Calica, at maging sina Iza Calzado, TV reporter na si Patricia Ann Roque, at Miss Universe 2011 third runner-up Shamcey Supsup. Sa mga nabanggit na pangalan, tanging kina Grace, Liz, Barbie, Len, at Bunny lamang nagkaroon ng kumpirmasyon na nai-date o niligawan ni PNoy. Gayunman, walang kumpirmasyon kung sino sa mga ito ang naging karelasyon ng pangulo. Dahil sa pagiging masikreto ni Aquino sa kanyang love life, mahirap matantiya kung gaano tumatagal ang kanyang pakikipag-relasyon sa mga babae. Maliban kay Shalani na nakarelasyon ni PNoy at tinatayang umabot ng dalawang taon, tumagal din umano ang relasyon ng pangulo sa mga dati nitong girlfriends na sina Bernadette Sembrano at Korina Sanchez. Nagsipag-asawa na sina Shalani, Bernadette, at Korina. Si Shalani ay kasal na kay Pasig Rep. Roman Romulo; si Korina kay Transportation and Communication Secretary at dating senador Mar Roxas; at si Bernadette naman kay Emilio Aguinaldo IV, apo ni dating pangulong Aguinaldo at local politician sa Cavite.
Date with the President Matapos ang May 2010 elections, umugong ang mga balitang winakasan na nina Aquino at Shalani ang kanilang halos dalawang taong relasyon. Nagkaroon lamang ng kumpirmasyon ang breakup ng dalawa nang mapabalita at lumabas ang larawan ni PNoy na may ka-date na babae sa isang restaurant sa Makati noong Oktubre 2010. Ang naturang babae ay sinasabing si Barbie. Nang lumabas ang naturang larawan, nakiusap si Aquino sa media na bigyan ng privacy ang kanyang buhay pag-ibig. Ang naturang pakiusap ay naulit nang naulit, bagaman may ilang pagkakataon na sa kanyang mga speaking engagement ay siya mismo ang nag-uungkat sa kanyang hangaring lumagay sa tahimik. Ilang linggo pagkatapos mapabalita ang pakikipag-date kay Barbie, nagkaroon naman ng pag-amin si Aquino noong unang bahagi ng Nobyembre 2010 na lumalabas sila ng kanyang stylist na si Liz, na kaibigan ng kanyang bunsong kapatid na si Kris Aquino. Bago pa man ang May 2010 elections, may mga balita na boto si Kris kay Liz para sa kanyang kuya Noy. Isa umano ito sa mga dahilan kaya ginawang stylist para sa pangulo si Liz noong panahon ng kampanya, para sila magkalapit. Ngunit mabilis ding naglaho sa buhay pag-ibig ni PNoy si Liz. Bago matapos ang Nobyembre 2010, lumabas naman ang balitang dine-date ng binatang pangulo ang banker na si Len. Tumagal ng ilang buwan ang balita tungkol sa paglabas nina PNoy at Len, pero walang naging kumpirmasyon kung naging magkarelasyon ang dalawa. Pagdating naman ng Mayo 2011, lumabas ang balita tungkol sa “mystery date" ng pangulo sa isang concert ng grupong Hotdog – ang guro na si Bunny. May lumabas na ulat na naimbitahan ni PNoy na maghapunan sa tinutuluyan nitong Bahay Pangarap si Bunny, kung saan ipinakilala umano ng pangulo sa guro ang kanyang mga pamangkin na sina Bimby at Joshua, mga anak ni Kris. Pero gaya ng nakaraang mga ka-date ng pangulo, walang naging pag-amin kung nakamit ni PNoy ang matamis na “Oo" ni Bunny. Noon ngang Setyembre 2011, sinabi ng pangulo sa Pinoy community sa Beijing, China na ang kanyang love life ay parang soft drink, “from regular to zero."

Noong panahong iyon, nagkita at nagkakilala na sila sa unang pagkakataon ng "pinopormahan" niya ngayong si Grace sa inauguration ng planta ng Korea Electric Power Corp. sa Cebu noong June 2011. Isang araw matapos ang naturang inagurasyon, lumabas ang mga balita tungkol sa paghanga ng pangulo sa kagandahan ni Grace, pero hindi umano iyon nasundan kaagad ng date. Muling nagkita sina Grace at PNoy nang kapanayamin ng dalaga ang pangulo sa Malacañang noong Disyembre 2011, kung saan pinapaniwalaang “nagkapalagayan" ng loob ang dalawa. Pagsapit ng Enero 2012, unang napabalita ang pagdi-date nina PNoy at Grace mula sa tweet ng radio DJ na si Mo Twister. Katulad ng mga naunang naka-date ni PNoy, wala pa ring kumpirmasyon kung sinagot na ni Grace ang pangulo, bagaman lumabas ang tsismis na break na sila. Marahil, gaya ng mga naunang kuwento, makukumpirma lamang kung talagang nagkakalabuan na ang dalawa kapag mapabalitang may iba nang dini-date si PNoy, at maging si Grace Lee. –
YA, GMA News