ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Annabelle Rama, tatakbong kongresista ng Cebu City


Inihayag ng talent manager na si Annabelle Rama ang intensiyon niyang tumakbong kongresista sa unang distrito ng Cebu City. Nitong Biyernes, naka-post sa Twitter account ni Annabelle ang pagpunta nito sa City hall ng Cebu City para sa magparehistro bilang botante sa lalawigan. May mga larawan din naka-post sa account ni Annabelle kung saan kasama niya ang mga kamag-anak niyang pulitiko sa lalawigan. Ang mga Rama ay kilalang angkan ng mga pulitiko sa Cebu. Katunayan, ang kanilang patriarch na si Don Vicente Rama (naging senador, kongresista at alkalde) ang kinikilalang "Father of Cityhood" ng Cebu City. Sa isang ulat na lumabas sa pahayagang Cebu Daily News, sinabing si Cebu City Mayor Michael Rama, pinsan ni Annabelle, ang naghikayat sa ina ni Kapuso leading man Richard Gutierrez na pumalot sa pulitika. Ayon kay Mayor Rama, walang masama kung pasukin ni Annabelle ang pulitika dahil marami na rin namang tumakbo sa halalan na nanggaling sa mundo ng showbiz at entertainment. Sa isang tweet ni Annabelle, nilinaw niya na posisyon sa pagka-kongresista at hindi konsehal ang kanyang planong takbuhan sa darating na May 2013 elections. “Mali ka. I'm running for congress woman of Cebu @KhymaLey: @annabellerama2 Wow! you're running indeed to be a councilor! Good Luck!," nakasaad sa tweet ni Annabelle. Kapag natuloy, posibleng makaharap ni Annabelle sa halalan ang isa ring kilalang angkan ng mga pulitiko sa Cebu – ang mga Del Mar. Sa kasalukuyan, nakaupong kongresista sa unang distrito ng Cebu si Rep. Rachel “Cutie" del Mar. Nagpahayag naman ng pagkagulat ang anak ni Annabelle na si Ruffy Gutierrez tungkol sa plano ng kanyang ina. “@iloveruffag read, Mom@annabellerama2 excitedly tells me that she’s being offered to run for Congresswoman in her hometown in Cebu," nakasaad sa tweet ni Ruffa. “I’m like, whattt?? Kaloka." Sinagot naman ito ni Annabelle sa pamamagitan din ng tweet: “@iloveruffag Bakit ka ba na shocked! Kasalanan ko ba kung ako ang napili para sa North District of Cebu?" -- FRJ, GMA News