ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Claudine Barretto, napaiyak sa kritikal na kondisyon ni Dolphy


Napaiyak ang aktres na si Claudine Barretto nang malaman niya noong nakaraang linggo na kritikal ang kondisyon ng kanyang "tatay sa showbiz" na si Dolphy. 
 
Sa ulat ni Nelson Canlas sa "Unang Balita" noong Martes, sinabi ng aktres, "Hindi ko nga alam kung saan ko makukuha 'yong strength na pumunta roon sa hospital. Ayaw kong makita siyang ganoon."
Sa ngayon, hindi pa rin nabibisita ng aktres ang kanyang "tatay" sa ospital.
 
Wika niya, "Depressed. I felt helpless kasi nagkaroon ako ng allergic rhinitis and tonsillitis so, hindi ako pwedeng pumunta sa hospital dahil nakakahawa ako. Hindi ako pwede pumunta sa hospital para makita si Tatay."
 
Umaasa pa rin ang aktres na bubuti pa ang kondisyon ng comedy king.   
 
Kasalukuyang nasa Intensive Care Unit (ICU) ng Makati Medical Center si Dolphy. Isinugod siya sa naturang ospital noong Hunyo 9 dahil hirap itong huminga.
 
Isa si Claudine sa mga anak ni Dolphy sa comedy sitcom noong 1990s na Home along Da Riles. Maliban dito, ninong din si Dolphy noong ikinasal ang aktres sa aktor na si Raymart Santiago.
 
Ayon sa aktres, isa raw si Dolhpy sa pinakamalapit na tao sa kanya sa showbiz. Sa katunayan, Tatay ang tawag nito sa comedy king.
 
Unang nagkatrabaho ni Claudine si Dolphy noong 13-anyos pa lamang siya. Tumagal ang kanilang sitcom hanggang ang aktres ay magdalaga. Ayon kay Claudine, maalaga daw si Dolphy at parang bunsong anak ang turing sa kanya ng comedy king.
 
Bukod dito, hindi raw makalimutan ng aktres kung paano siya ginabayan ng kanyang "Tatay" noong 2002 nang mamatay ang dating boyfriend ni Claudine na si Rico Yan . Tulad ng isang ama, hindi raw siya iniwan ni Dolphy sa gitna ng mga pagsubok na pinagdaraan niya. - Mac Macapendeg, VVP, GMA News