Bea Binene, Barbie Forteza, bida sa ikalawang yugto ng 'Luna Blanca'
Malapit nang mapanood ang ikalawang yugto ng "Luna Blanca," ang kauna-unahang multi-generation primetime soap opera ng GMA-7, na pagbibidahan ng dalawang Kapuso teen stars na sina Bea Binene at Barbie Forteza. Gaganap si Barbie bilang teanager na Blanca, ang maputing anak ni Rowena (Camille Prats), gaganap naman si Bea bilang kambal nitong si Luna, ang maitim na anak. Excited na ang dalawa teen stars kanilang pagpasok pinakaaabangang pangalawang henerasyon ng naturang primetime soap ng GMA Telebabad. Nauna ng binigyang buhay ng mga child sensations na sina Mona Louise Rey at Jillian Ward ang mga karaketer na sina Luna at Blanca para sa ika-unang yugto ng naturang palabas. Gayundin, kung naantig na ang mga Kapuso na nanonood sa sa galing sa pag-arte ng mga batang Luna at Blanca, mas pakaaabangan naman ang ikalawang yugto dahil magkakalayo na ng landas ang dalawa at matuto na rin silang umibig. Mayroong tatlong henerasyon ang palabas na Luna Blanca. Sina Mona Louise Rey, Barbie Forteza, at si Heart Evangelista ang bida sa karakter na si Blanca at sina Jillian Ward, Barbie Forteza, at Bianca King naman ang bida sa karakter na Luna. Mapapanood ang Luna Blanca tuwing Lunes hanggang Biyernes sa GMA Telebabad pagkatapos ng 24 Oras. Mga bagong love team Makakatambal ni Barbie ang aktor na si Derrick Monastorio at makakasama naman ni Bea si Kristoffer Martin bilang kanyang bagong ka-love team. Wika ni Bea, "Nagpapasalamat po kami sa GMA for giving us the opportunity na kaming dalawa naman ngayon ni Kristoffer ang magka-partner and siyempre, siguro kahit papaano maninibago ako." Ayon naman kay Barbie, "Wala akong masabi. Hindi ako makapaniwala no'ng umpisa. Hindi ko talaga na-imagine na someday magiging ka-love team ko si Derrick." Gayunpaman, wala naman raw dapat ikabahala ang mga JoshBie (Barbie at Joshua Dionisio love team) at ang mga JaBea (Bea at Jake Vargas love team) fans dahil parte ng kanilang trabaho bilang mga artista ang magkaroon ng bagong katambal. Ayon pa kay Bea, "Alam naman po naming dalawa na trabaho lang naman po talaga ito." Gayundin, napag-usapan na rin ito ng mga dating magka-love team. Wika pa ni Bea, "Nagkausap kami, and 'yon, okay naman. Okay naman siya, [pero] nanghihinayang lang siya kasi hindi na kami magkasama." Batid naman nina Derrick at Kristoffer, isang panibagong hamon daw sa kanila ang pagkakaroon ng bagong love team ayon sa ulat ni Lhar Santiago sa Chika Minute nitong Miyerkules. "Kasi po magkakasama na kami sa Tween Hearts [dating Sunday afternoon show ng GMA-7], kaya kahit sino pa sa amin ang i-love team doon, parang kampante na kami," pahayag ni Derrick. Fan, love team wars Gayundin, nilinaw naman ni Kristoffer sa mga tagahanga na hindi kailangang magkaroon ng mga fan at love team wars. Aniya, "Diba, trabaho naman [at] nangyayari naman ito, eh. Kumbaga 'yong mga fan war [at] love team wars hindi naman appropriate, eh. Parang ano lang, come what may lang." Maliban dito, tinanong din naman kung handa na si Bea na magpaitim para sa kanyang papel bilang si Luna. Sagot namang ng aktres, "It's a challenge. Diba po, sa Alice Bungisngis, naging challenge sa akin 'yong buhok ko, ngayon naman challenge sa kain 'yong complexion ko. I'm looking forward to it." Magsisimula nang magtaping sa mga susunod na araw ang apat na teen Kapuso stars at una silang sasabak sa mga mada-dramang eksena. Kaya pinaghahandaan na nila ito ng husto. - VVP, GMA News