ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Panganay ni Dolphy: Buong pamilya handang-handa sa pagpanaw ng ama


Handang-handa na ang pamilya Quizon nang pumanaw ang kanilang amang si Comedy King Dolphy at nakapaligid sa kanya ang buong mag-anak sa huling sandali ng kanyang buhay, pagsasalaysay ng panganay na si Boy. Sa panayam ng GMA News Online, sinabi ni Boy na tatlong beses umano sa isang buwang pananatili ni Dolphy sa ospital na ipinaalam sa kanila na maaari nang pumanaw ang kanilang ama sa loob ng 24-oras. "Three times siya na parang naging grabe. Three times within the month. 3 times na parang 24 hours nalang siya then he will go," aniya. "Pero parang miracle.... Nakita natin na pumi-pick up 'yung katawan niya... tatlong beses nangyari iyon. Then tuluy-tuloy na siya," ani Roy. Sabi niya, "kaya pala tayo binigyan ng three times parang practice lang. So by the time na nawala na siya, talagang ready na kami. "Kaya nga naniwala kami, sa dami ng nagdarasal sa daddy ko, iyan ang resulta . At sa akto ng kanyang pagpanaw, ani Boy, palibutan nila ang kanilang ama, hindi na mapigilan ng ilan na umiyak. "Umiiyak na hindi hagulhol dahil naihanda na niya kami," dagdag pa niya. Isinalaysay din ni Boy and mga huling oras bago pumanaw si Comedy King Dolphy. Bandang alas-3 na ng hapon noong Martes nang tinawagan umano siya ng kanyang mga kapatid at sinabing bumalik siya sa ospital dahil malubha at delikado na umano ang kalagayan ng kanilang ama. "So nasa San Pablo, Laguna, pa ako. Dumeretso na ako doon. So pagdating ko doon, nagpapaalam na sila kay daddy," ani Boy. Pumanaw si Dolphy nitong Martes ng 8:45 ng gabi sa Intensive Care Unit ng Makati Medical center dahil sa umanoy "multiple organ failure" dahil sa komplikasyon dala ng "pneumonia, chronic obstructive pulmonary disease, at acute renal failure." Ayon kay Boy, kumpleto silang magkakaptid maliban kay Rommel, na kasalakuyang nasa New York at hindi makauwi dahil sa problema sa kanyang travel documents. "Nasa ICU na kami, nakapaligid kami sa daddy namin, isa-isa kaming bumulong sa tenga niya, nag-kiss kami. Basta lahat ng gusto naming sabihin, binulong namin sa tenga niya," aniya. Sumuko na si dad Ayon kay Boy, unti-unti na umanong humina ang katawan ng kanyang ama. "'Yun nga, nag-give up na talaga 'yung body niya. Talagang sadyang nag-slow down nalang 'yung body," kwento niya. Unti-unti na ring binawasan ang gamot na ibinibigay kay Dolphy dahil hindi na umano ito tinatanggap ng kanyang katawan. "Kasi, marami siyang bags na medicine. Useless nang palitan," aniya. "Especially nung may binigay sa kanyang anti-biotics. Out of 15 na anti-biotics, isa lang 'yung gumana," aniya. "Wala na rin e. Wala nang pag-asa. Why prolong the sufferring?" aniya. "Matagal na rin talagang naghihirap ang daddy. Ginagawan nalang ng paraan. Pero alam na naming nahihirapan siya," dagdag niya. DNR order Ayon kay Boy, hindi na umano nakapirma ng "Do Not Resuscitate" (DNR) order si Dolphy. "Actually, hindi siya nakapirma ng DNR. Pero when he was still living, lagi niyang sinasabi sa amin, 'Hoy kapag mamamatay na ako, ayoko nang binubutasan ako,'" kwento niya. Kinailangan umanong magpulong nilang magkakamag-anak upang magdesisyon. "So 'yun na nga, so kung wala nang pag-asa, huwag nang pilitin. Kasi wala na e, magsu-suffer nalang siya," aniya. Kawalan Sa ngayon, nahihirapan pa ang ilang mga anak sa pagpanaw ni Dolphy, lalo na ang mga babae, ayon kay Boy. "'Yung mga babae, lalo na si Sally, medyo spoiled 'yung mga babae sa daddy ko, kaya mas hirap silang maka-cope up sa mga nangyari. Kay daddy kasi kumukuha ng lakas na loob. Eh ngayong wala na si daddy, at a loss sila," aniya. "Sabi ko, tatagan nila ang sarili nila." Samantala, patuloy umanong nagiging matatag si Zsa Zsa Padilla, ang long-time partner ni Dolphy, sa kabila ng dalamhati na kanyang nararamdaman, ayon kay Boy. "Belib ako kay Zsa Zsa, talagang tinatagan niya ang sarili niya. She's also in pain, nahihirapan din siya, alam kong masakit. Pero alam kong okay na ang lahat dahil nakapahinga na ang daddy. Dahil nakikita namin siyang nahihirapan," aniya. "Nagpapasalamat din ako sa kanya dahil minahal niya ang daddy ko. Nakita ko 'yun na mahal na mahal niya ang daddy ko," aniya. — LBG, GMA News

Tags: dolphy