Sa kauna-unahang pagkakataon, naglunsad ang lokal na pamahalaan ng Quezon City ng sarili nitong film festival. Dito, maaaring isali at ipalabas ang mga pelikulang gawa ng mga bagong sibol na filmmaker tuwing Disyembre. Magkakaloob ang lokal na pamahalaan ng P800,000 production grant sa tatlong mapipiling script ng director upang magawa nila ang kanilang mga obra at maipalabas sa unang linggo ng Disyembre sa ilang sinehan sa Quezon City.

Ang mga kasapi ng Quezon City Film Development Commission (QCFDC). Mac Macapendeg, GMANews.TV
Sa press conference ng QCinema nitong Martes, sinabi ni QC Mayor Herbert Bautista, ang naturang proyektong ay bahagi lamang ng kanilang programa para sa kanilang layunin na paigtingin ang pagkilala sa lungsod bilang 'The City Of The Stars'. "We know that this commission is in the right direction. It's going to be great, going to be big, and to also satisfy the long standing desire of Kuya Germs (German Moreno) na because we are 'The City of Stars' eh, ito 'yong mga laman ng deklarasyon na 'yon na Quezon City is the city of stars," paliwanag niya. Ang QCinema ay proyekto ng Quezon City Film Development Commission (QCFDC) na naglalayong isulong ang talento ng Filipino sa paggawa ng mga pelikulang base sa nasyonalismo, kaugalian at kultura ng mga Filipino, gender-sensitivity, kalayaan, at galing ng mga Pinoy. Kasama sa QCFDC sina Mayor Bautista, bilang chairperson; Vice Mayor Josefina Belmonte, co-chairperson; at Professor Eduardo Lejano, Jr. ng UP Film Institute bilang Executive Director. Miyembro ng komisyon sina City Councilor Atty. Jesus Suntay, City Councilor Eufemio Lagumbay, Dr. Mary Palma ng GADRCO, Rosario Yara ng Culture and Tourism Affairs Pffice, Milo Sogueco ng MTRCB, Soxie Topacio ng Director's guild of the Philippines, Azucena Maceda ng MOWELFUND, Eduardo Sazon ng NCAP, Dr. Isabel Sebullen ng Screenwriters Guild of the Phil., Rio Araja ng QC Press Club, at Orly Ilacad ng PMPPA. Ang QCinema ay bukas para sa mga Filipino filmmaker na hindi pa nakakagawa ng mahigit sa tatlong pelikula. Ang kumpletong screenplay ay nangangailangan ng 40 sequences na tumatagal ng 90 minuto. Kailangan din na may residente sa mga pangunahing kasama sa proyekto gaya ng direktor, manunulat, at producer. Maaaring ipasa ng mga obra bago sumapit ang July 31, 2012 sa tanggapan ni Vice Mayor Belmonte. Ipapaalam ang tatlong napiling pelikula sa Agosto 30, 2012 at mapapanood naman ito sa red-carpet launching ng QCinema: 2012 QC Film Festival sa unang linggo ng Disyembre. -
Mac Macapendeg/FRJ, GMA News