ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Zsa Zsa Padilla gets a tattoo as tribute to Dolphy
Malaki ang pasasalamat ni Zsa Zsa Padilla sa kanyang co-stars at buong staff ng pelikulang I Do Bi Doo, Bi Doo.
Habang ginagawa kasi niya ang pelikula, iyon ang mga panahong lumalala na ang kondisyon ni Dolphy, hanggang sa pumanaw na nang tuluyan ang Comedy King noong Hulyo 10.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Zsa Zsa kahapon, Agosto 4.
Doon ay sinabi niyang naramdaman niya talaga ang pakikiramay ng kanyang co-stars sa kanya.
"So, uhm, sa isang proyekto, mararamdaman mo yung pagmamahal at suporta ng kapwa mo artista ‘pag nagtatrabaho kayo.
"Talagang binibigay nila yung lahat nila. ‘Tapos kapag may pinagdadaanan ka, nakikiramay talaga sila, e. Talagang nakikisama sila, e."
U.S. trip
Siniguro raw ng Divine Diva na matapos muna niya ang pelikulang ito bago makapagbakasyon.
Ayaw niya raw kasi nang may naiiwang trabaho, isang bagay na natutunan niya mula sa Hari ng Komedya na nakasama niya sa loob ng 23 taon.
Pupunta ng California si Zsa Zsa kasama si Dra. Vicki Belo. Ipo-promote daw kasi nila ang Zein Obagi product ng Belo Clinic.
Kasabay raw nito'y ang pagpapa-check up niya sa Cedars-Sinai Hospital, at sasagutin ni Dra. Vicki ang gastusin sa kanyang pagpapatingin.
"Isang angel talaga si Dra. Vicky, dahil sabi niya sasagutin niya yung aking check up," pagbabahagi ni Zsa Zsa nang makausap ng PEP kahapon sa Annabel's Restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.
"Ang totoo niyan, it has something to do sa dati kong sakit, yung dati kong surgery. I was born with a defective urethra, at ang nangyari sa kidney ko no’n, parang namaga.”
Ang urethra ay ang daluyan ng ihi ng tao. Kung depektibo ito, maaapektuhan ang kidney o lapay na siyang nagtatrabaho sa paglalabas ng “waste products” sa katawan ng tao, bukod pa sa pagpi-filter ng nutrients para sa dugo.
"So, yung kidney function ko parang wala na sa normal. Every year nagpapa-check up ako sa neurologist dito sa Makati Medical Center.
"Actually meron pala silang nakitang findings na hindi maganda. Siyempre nangyari na yung nangyari. He gave me, that’s May… June… July, same findings.
"Ako naman, hindi ako ninenerbiyos dahil ang pagkakaintindi ko, meron daw kasi akong Polyp. ang pagkakaintindi ko sa Polyp ay isang growth sa aking...
"Yun pala malaki na yung growth doon sa aking kidney and they want to remove it."
Ayon sa medicine.net, ang colon polyp o ang sinasabi ni Zsa Zsa na "polyp" ay isang kundisyon kung saan may namumuong "fleshy growths" sa colon.
Karaniwan daw nagkakaroon nito ang isang taong tumatanda na.
"So, they have to do another surgery on me.
"Nagkataon lang na meron kaming ilo-launch ni Dra. Vicky Belo na bagong produkto yung Zein Obagi.
"Sabi niya, ‘Pumunta tayo sa California. Kasi since you want to seek a second opinion,’ kasi tamang-tama kasi may nephrologist talaga si Dolphy sa Cedars-Sanai."
Kung walang gagawin na anumang surgery, dalawang linggo lamang daw ang itatagal ni Zsa Zsa sa U.S.
The tattoo
Balik trabaho na si Zsa Zsa at excited daw siya dahil talagang malaking bahagi na ng kanyang buhay ang pagpe-perform sa isang noontime musical variety show.
"Actually, hindi nila alam itong balita na ‘to, kaya magugulat sila kapag sinabi ko na rin."
Ang tinutukoy ng singer-actress ay ang pagpapatingin niya sa U.S.
"Kasi parang sa showbiz ang hirap na, ‘Totoo ba na meron kang kidney problems?’ Sabi ko, sige sasabihin ko na lang lahat.
"Kasi it is best na malaman na lang ng lahat na meron nga akong health issues.
"Pero sana, wish ko lang, kahit umabot ako sa surgery…kasi siyempre kapag naoperahan ka, three months ka na naman hindi makakatrabaho."
Bukod sa kanyang muling pagpe-perform, dapat din daw abangan ang ipapakita niyang tribute para sa yumao niyang long-time partner na si Dolphy.
Hindi lamang daw siya aawit, dahil ipapakita niya rin ang tattoo na kanyang ipinalagay.
Matatandaan na noong nakaburol pa lamang si Dolphy, nagpa-tattoo na ang kanyang mga anak at apo bilang pag-alala sa Hari ng Komedya.
Matagal na raw siya kinukumbinsi ng mga anak at apo ni Dolphy na magpa-tattoo.
Ngunit tugon niya, "Sabi ko, ‘Yung akin pag-iisipan ko muna kung anong…’ kasi sa kanila mukha, yung kay Zia parang yung logo ng RVQ Productions sa nape niya."
Ang RVQ Productions ay ang film company ni Dolphy. Hango ang pangalan ng kumpanya sa acronym o initials ng tunay na pangalan ni Dolphy na Rodolfo Vera Quizon.
"Sabi ko, gusto ko lang ng tattoo na napakapersonal sa aming dalawa, pero kapag nakita ng tao, maiintindihan nila."
The grieving
Tatlong linggo pa lamang mula nang pumanaw si Dolphy.
Aminado si Zsa Zsa na "mahabang proseso" ang dapat niyang pagdaanan upang matanggap ang pagkawala ng kanyang kabiyak.
Kinuwento pa nga niya ang isang pagkakataon na naramdaman niya ang pangungulila kay Dolphy.
"Kahapon, I had a hard time, kasi we went to his favorite grocery."
Nagsisimula pa lamang sa pagkukuwento si Zsa Zsa ay naging emosyunal na ito.
"Kapag naglalakad ka, ‘tapos pipiliin mo yung mga dapat mong bilhin, maaalala mo yung paborito niyang juice.
"So, wala, lakas lang ng loob. Kasi kapag nagpadala ka sa hina, siyempre naiisip mo na may pamilya ka pa na kailangan mong suportahan."
Malaki raw ang pasasalamat niya sa kanyang mga anak na sina Karylle, Nicole, at Zia.
Hindi raw kasi siya pinapabayaan ng mga ito, at hindi nagsasawang pakinggan siya sa tuwing naaalala niya si Dolphy.
Ang panganay na anak niya raw na si Karylle ang nagpaunawa sa kanya na unti-unti niyang kailangan na "mag-move forward."
Anak ni Zsa Zsa si Karylle mula sa unang asawang si Dr. Modesto Tatlonghari, ngunit naging close na rin ito sa mga kapatid sa ina.
Nakangiting sinabi ng Divine Diva, "Ang sabi kasi sa akin ni Karylle, ‘Hindi ‘yan isang proseso na tanggap mo.’
"Una, parang in denial ka pa, ‘tapos you’re angry, ang daming acceptance, pabalik-balik.
"So, no’ng nagkaroon nga ako ng health issues, ang naging pinaka-concern ko yung mga anak ko.
"Sabi ko nga, parang kakatapos lang nila mag-alaga ng isang magulang, ‘tapos sa akin.
"Sana hindi naman lumala yung kundisyon ko, kasi nakakaawa rin sila.
"Kaya sana ‘wag naman umabot sa punto na aalagaan naman nila ako. Kasi kakatapos lang nila sa papa nila."
Itong darating na Agosto 19 ang ika-40 na araw ng pagkamatay ni Dolphy.
Dahil nga nasa U.S. siya ng mga panahon na iyon, aalalahanin na lamang daw niya iyon kasama ang pamilya ng Comedy King na nakatira sa U.S. — Joyce Jimenez, PEP.ph
More Videos
Most Popular