Character actress na si Vangie Labalan, nabiktima ng di-umanong credit card scam
Laking gulat ng character actress na si Vangie Labalan nang matuklasan niyang nabiktima siya ng di-umanong credit scam kung saan aabot sa P200,000 ang pilit na pinababayaran sa kanya ng bangko. Wika pa nito sa isang panayam ng StarTalk TX noong Sabado, "One time ginamit ko yong aking credit card, hindi umandar so siyempre another credit card ang aking ginamit. And then, yong dumating yong bill ko, bakit kumuha ako ng goma [gulong] doon sa Las Piñas sa isang auto somewhere, hindi naman ako pumupunta [doon]." Dagdag pa nito, nauna nang pinapabayad sa kanya ang halagang P111,000 na di-umano ang presyo ng biniling gulong gamit ang kanyang credit card. Gayundin, ikinagulat ng aktres nang matuklasan niyang may karagdagan pa siyang babayaran sa kanyang credit card. Kwento ni Vangie, "Hindi man lang nagbother ang bangko na tawagan ako. Sige, hayaan mo na yon. But nong tumawag ako ang sabi sa akin, 'Alam mo Ma'am, meron ka pang dadating pa kasi parang more or less mga 200,000 ang nakuha sayo.'" "'Kasi Ma'am, noong parang the other week pa yata, parang two weeks ago, parang tumawag dito, ang isang supermarket na naiwan ko raw yong card ko doon, dito sa may mga Mandaluyong.' Hindi naman ako nagagawi doon," dagdag nito. Payo naman ng bangko sa aktres, dumaan lang daw ito sa karaniwang proseso o ang pagpasa ng isang dispute form. "Ang sabi niya, 'Ma'am, hindi problema yan. Anyway, ang gagawin mo, padadalhan ka namin ng dispute forms. Ang dispute forms padadala sayo, fi-fill-upan mo, i fa-fax mo sa bangko para ma-deny mo yong ano, i-dispute mo na hindi ikaw nag nagpunta roon," kwento nito. Gayunpaman, ang pinoproblema naman ng aktres ang kakulangan ng kooperasyon ng kanyang bangko dahil sa kanilang patuloy na pagsisingil. "Sabi ko, mag-coordinate naman kayo. Ako'y na-scam. Ako nga ay nakabayad sa inyo ng more than 8,000 that's why ginamit ko yong card ko. Ngayon, ginamit ko lang yong kasi pagsumobra ang bayad mo, hindi mo na masisingil, eh. Unless na gamitan. So nong time na yon na gumamit ako, tsaka ako na-scam." Napagtanto tuloy ni Vangie ang puwersa ng sindikato sa likod ng nasabing scam. Aniya, "Masyadong matindi ang pag-scam. Yong kinokopya, yong nire-report ng police mismo, yong head ng isang masipag na ano, na kahit ako wala silang takot. "I do not know, maybe hindi nila alam na artista ako pero, ganon ka hina ang sitwasyon, ang tagal na at nagrereklamo ako at nagpadala na ako ng dispute form to dispute the fact na hindi ako ang nag-shopping ng mga gulong na kung anik anik, nagkaraoke ako doon sa mamahalin, hindi ko gawain yon." Maliban dito, nagbigay din ng mensahe ang aktres sa kanyang bangko. "Maawa po kayo bangko. It pains me na singil kayo ng singil, tawag kayo ng tawag sa telepono at saka may mga sulat na tini-threaten ako." — Mac Macapendeg/BM, GMA News