ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Bida ng Forever, naniniwala rin kaya sa walang hanggang pagmamahalan?


Hindi na maitago nina Heart Evangelista at Geoff Eigenmann ang kanilang excitement sa pagsisimula pinakabagong Afternoon Primetime soap ng GMA-7 na "Forever" ngayong Enero 21. Ang istorya ay iikot sa hinadlangang pag-iibigan nina Adora (Heart) at Ramon (Geoff), na mauuwi sa kamatayan ng binata. Ngunit bago pumanaw, susumpa si Ramon na babalikan niya ang kanyang pinakamamahal na si Adora. Magkakaroon naman ng pangalawang pagkakataon ang kanilang pagmamahalan sa tulong ng isang lumang relo na makukuha sa isang misteryosang babae. Gamit ang relo, ang matanda nang si Adora sa paglipas ng panahon ay maaaring bumalik sa kanyang kabataan. Mangyayari ito sa sandaling makitang muli ng matandang Adora ang isang binatang lalaki na nagngangalang Patrick na kamukhang-kamukha ni Ramon. Ang karakter ng matandang Adora ay gagampanan naman ng premyadong aktres na si Ms. Gloria Romero. Sa Forever, makikita umano ang pagiging mature nina Heart at Geoff bilang artista. Sa panayam ng StarTalk TX sa dalawa, inihayag nila na maituturing magandang regalo sa kanila ang naturang teleserye. “Nakita na yung mga video, nung nakita na yung mga edited scene, hindi ko ini-expect na ganyan 'yon ang magiging reaction nila and hindi ko ini-expect na ganun kaganda, na talagang sobrang it’s really nice and I’m really happy that I’m working on this," ayon kay Heart. Ang nabanggit na serye ang pagbabalik tambalan nina Heart at Geoff matapos ang matagal na panahon. Paniwala ni Heart, ang sikreto ng love team ay ang tiwala sa isa’t isa. Dagdag naman ni Geoff, “Aside from both of us being mature now, I guess same with the people also. Alam nila kung ano yung totoo behind us and our team-up so the trust is there, the honesty is there. Everything is laid out for everyone to see." Naitanong na rin sa dalawa kung naniniwala ba sila sa pag-ibig na walang hanggang tulad ng mga karakter na ginagampanan nila sa Forever. “It’s a choice if you would like to stick with this person through the good and bad. If you decide to stick with this person, it can be forever," sagot ni Heart. Samantala, parehong nasa relasyon sina Heart at Geoff ngayon at masaya nilang ikinuwento na maayos ang takbo ng personal nilang buhay. Si Heart ay nauugnay ngayon kay Sen. Francis Escudero, habang committed naman si Geoff sa kapwa Kapuso star na si Karla Abellana. “Everything has been going right, we’re both happy, there’s a smile on our faces, so tuloy tuloy lang. Everything will fall into place," ani Geoff. -- Samantha Portillo/MM/FRJ, GMA News