5 pelikulang ipinalabas sa abroad, mapapanood sa 'Singkuwento Internasyonal' festival
Muling makikita ang husay ng mga Pinoy sa paggawa ng pelikula sa pamamagitan ng limang short films na ipalalabas sa "Singkuwento Internasyonal" festival na gagawin sa NCCA Building sa Intramuros, Manila na magsisimula sa Pebrero 12, 2013. Pasok sa naturang festival ang mga pelikulang "The Brothers of Kappa Pi," ni Roberto Reyes Ang; "Ang Paghihintay sa Bulong," ni Sigrid Andrea Bernardo; "Alibi," ni Perry Escaño; "Breakfast with Lolo," ni Steven Flor; at "Inosensya," ni Mikhail Red. Si Ang ay kasalukuyang nakabase sa New York City, nag-aral at nakuha ng Masteral degree sa kursong Cinema Studies sa New York University. Ngunit bago nagpunta sa Amerika, nag-aral mula siya sa Polytechnic University of the Philippines. Isang docu-film ang kanyang obra na "The Brothers of Kappa Pi," na tumalakay sa fraternity at binatang imigranteng Pinoy sa New York City. Napanood na ang naturang pelikula sa iba't-ibang international film festivals tulad ng International Film Festival (2012), River Bend Film Festival (2012), Wanderings Film Festival (2010), at Sumisigaw: Filipino-American Youth Cultural Festival (2009), at Pandayang Lino Brocka Political Film and New Media Festival (2009). Nong 2010, nakapasok sa The Directors Chair Award sa Amerika ang isa pang docu-film ni Ang na "Letters from Alaska" (Mga Sulat Mula Sa Alaska), na tumalakay naman sa buhay ng isang OFW na nagtrabaho sa isang commercial fishing vessel. Samantala, ang "Ang Paghihintay sa Bulong" na obra ni Bernardo ay tungkol sa isang pamilya na nagdadalamhati sa nalalapit na pagpanaw ng kanilang lola. Tinalakay dito ang kulturang Pilipino tungkol sa mga sumasakabilang-buhay. Ang naturang pelikula ay napanood na sa ibang bansa gaya ng Shnit Film Festival sa Switzerland at Exground Film Festival sa Germany. Sa nakaraang Cinemalaya Philippine Independent Film Festival, kinilala sa Special Jury Award bilang Best Screenplay for Short film ang âPaghihintay sa Bulong." Ang pelikulang "Alibi" ni Escaño ay tungkol naman sa magkaibigang Donald at Ray, na naghahanap ng "kasiyahan" sa siyudad. Kinilala ang naturang pelikula sa International Film Festival (2012) kung saan nagwagi ito bilang 1st Runner Up for Most Popular Film. Ang "Breakfast With Lolo" ni Flor ay kwento ng lolo at apo na naghahanap ng pinakamasarap na pancake. Sinasabing malapit sa buhay ng direktor ang istorya dahil na rin sa pagpanaw ng kanyang mismong lolo. Ang "Breakfast With Lolo" ay napanood na sa Houston International Film Festival (2010), Williamsburg Independent Film Festival (2010), at sa Cinemalaya Film Festival (2010). Nanalo rin si Flor ng Platinum Remi Award sa 43rd WorldFest. Maituturing naman na isa sa pinakabatang film maker sa bansa si Mikhail Red na nasa likod ng "Inosensya," kuwento ng isang batang nagsusulat ng sanaysay tungkol sa lipunan. Napanood na ito sa Interfilm Berlin (2011) bilang opening film, Youki International Youth Media Festival (2011), kung saan nakuha nito ang Grand Prize, at sa Hong Kong International Film and Video Awards. Para sa ibang detalye tungkol sa "Singkuwento Internasyonal," bisitahin ang kanilang website. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News