ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kyla at Rich Alvarez, excited na sa kanilang baby boy


Mahigit pitong buwan nang buntis ang Kapuso singer na si Kyla sa panganay nila ng kanyang asawang si Rich Alvarez. Dalawang beses na nitong sinubukan ang 4D ultrasound ngunit hindi pa rin nito nakikita ang baby dahil nakadikit daw ang mukha nito sa placenta. Kwento pa ng singer sa ulat ng StarTalk TX nitong Sabado, "Twice ako nag-try. Noong una in the morning. Eh, 'yung baby nakadikit 'yung face niya sa placenta so hindi siya makita. Nag-try ulit kami nakadikit pa rin 'yung face niya.” Dagdag pa niya, "So hindi ko nakita. So babalik na naman ako—babalik ako next week. Kasi dapat yata maraming tubig para ma-clear 'yung face niya." Samantala, patuloy din ang paghahanda ng mag-asawa sa mga gamit at magiging kwarto ng kanilang baby boy. "May room na siya, ano na lang, ipa-paint na lang, pa-paintan na lang pero hindi pa ako nakakakita ng artist na magpa-paint," ani Kyla. Bumili naman ng matching shoes si Rich para sa kanyang anak. Ayon pa kay Kyla, "Sobrang excited nga, bumili nga siya ng sapatos na magkapareho sila. Buti na lang walang size, yes." Normal delivery Kung papipiliin ang soon-to-be-mom na si Kyla, mas gugustuhin daw niyang natural o normal delivery ang kanyang magiging panganganak. "Siyempre gusto ko 'yung natural para at least... kasi sabi nila pag normal delivery makakalakad ka agad, eh pag 'yung CS medyo, parang mga one week [bago makapaglakad,]" wika ni Kyla. Samantala, hindi pa rin daw tiyak kung magiging normal ba or Caesarean ang kanyang delivery. "Ngayon every two weeks na akong nagche-check up. Siguro bandang April malalaman ko kung normal ba or Caesarean," ani Kyla. First time mom Humihingi rin ng tips si Kyla sa kanyang mga kasamahan partikular na si Asia's Songbird na si Regine Velasquez– Alcasid at sa Soul Diva na si Jaya. "Humihingi ako ng mga tips, kung alam mo 'yun, habang kasi dala-dala mo 'yung baby, 'di ba may nararamdaman ka. Tapos mga tips kung anong dapat bilhin for the baby," batid ni Kyla. Dagdag pa niya, "Kasi siyempre ako ngayon sobrang excited. Lahat nang makita ko parang gusto kong bilhin. Eh, sabi nila sa'kin, hinay-hinay lang." Baby shower Maliban dito, naghanda naman ng baby shower si Regine noong nakaraang Huwebes para sa kaibigan at inaanak sa kasal na si Kyla. Dinaluhan ito nina Jolina Magdangal, Jaya, Cacai Mitra, Rachelle Ann Go, Aicelle Santos, Perry  Lensigan, at ilan pa sa malalapit na kaibigan ng RNB Princess. Gayundin, pansamantala na rin munang tumigil si Kyla sa “Party Pilipinas” bilang paghahanda sa kanyang panganganak. Noong Linggo, Marso 3, ang kanyang huling performance sa “Party Pilipinas” bago ito kumuha ng leave sa trabaho. "Kung ako masusunod, ayaw ko pa talagang mag-stop kumanta muna sana. Eh kaya lang, siyempre, natatakot din ako, 'di ba? Pero okay lang 'yun sabi nga niya [Rich], it's time for you to reflect, for me to reflect din," saad nito. "It's time for myself muna, time off ng sandali muna. May countdown kami, 50-plus days, ayan. Ang countdown namin so, everyday, 'palapit na ng palapit.' Eh, mabilis lang 'yun," dagdag nito. — Mac Macapendeg/KBK, GMA News

Tags: kyla, richalvarez,