GMA Network, nangunguna pa rin sa ratings sa Urban Luzon at Mega Manila
Nananatili pa ring nangunguna ang Kapuso Network pagdating sa ratings sa Urban Luzon at Mega Manila sa overnight data mula Pebrero 24 hanggang Pebrero 28, ayon sa nakalap na datos ng Nielsen TV Audience Measurement. Sa Urban Luzon, angat ang GMA-7 na may 35.5% average total day audience share sa Urban Luzon, laban sa 29.8% ng ABS-CBN at 14.1% ng TV5. Sakop nito ang 76% total urban TV household population sa buong bansa. Maganda rin ang pagtanggap ng mga manonood sa Mega Manila. Nakakuha ang GMA ng 36.6% total day audience share na higit sa 27.7% ng ABS-CBN at 15% ng TV5. Sakop nito ang 59% ng total urban TV households sa buong bansa. Patuloy ding nagbibigay ng mataas na rating ang GMA Afternoon Prime hindi lamang sa Urban Luzon at Mega Manila, kung hindi maging sa National Urban Television Audience Measurement (NUTAM). Tinapos nito ang nasabing linggo ng may mataas na average household audience share. Nakatanggap ang GMA ng 34.8% sa nasabing time block sa NUTAM, habang nakakuha naman ng 29.1% ang ABS-CBN at 15.6% ang TV5. Sa Urban Luzon, nakatanggap ang GMA Afternoon Prime block ng 39.2% total day average, kumpara sa 25.2% ng ABS-CBN at 14.7% ng TV5. Mas marami ring tumututok sa Kapuso Afternoon Prime block sa balwarte nito sa Mega Manila, kung saan kumabig ito ng 40.4% percent total day household audience share, na higit na mataas sa 23.3% ng ABS-CBN at 15.6% ng TV5. Inilunsad ng Kapuso Network ang dalawang bagong Afternoon Drama, ang Bukod Kang Pinagpala at Unforgettable, na talaga naman humatak ng mataas na ratings kumpara sa mga kasabay na palabas sa ABS-CBN at TV5 sa NUTAM, Urban Luzon at Mega Manila. Hinigitan din ng GMA ang ibang network sa listahan ng 30 top-rated programs (hindi kabilang ang specials) sa Urban Luzon (17) at Mega Manila (18) kabilang na rito ang public affairs show na Kapuso Mo, Jessica Soho na nanguna sa NUTAM, Urban Luzon at Mega Manila. Ilan sa mga nangunang Kapuso programs ngayong Pebrero ang Magpakailanman, Temptation of Wife, Indio, Kapuso Movie Night, Pahiram ng Sandali, 24 Oras, Bubble Gang, Pepito Manaloto, Eat Bulaga, Imbestigador, Sana ay Ikaw na Nga, Smile Dong Hae, Yesterday’s Bride, Kap’s Amazing Stories, The Princess’s Man, Watta Job, at The Greatest Love. Gayunman, bumaba ang porsiyentong nakalap ng GMA sa NUTAM, kung saan nakatanggap ito ng 31.7% sa nasabing buwan kumpara sa nakamit na 33.1%. Samantala, nananatili pa ring matatag ang nasabing network sa pamamagitan ng pagpapatibay ng mga palabas nito. Sa katunayan, nagdagdag ng programa ang Kapuso Network kabilang na "Vampire Ang Daddy Ko," ang bagong sitcom na mapapanood tuwing Sabado na pagbibidahan ni Vic Sotto; ang "Mundo Mo'y Akin," ng GMA Telebabad na pagbibidahan nina Alden Richards, Louise delos Reyes at Lauren Young, at "Kambal ni Eliana," isang afternoon drama na pagbibidahan nina Kim Rodriguez, Enzo Pineda, Kristoffer Martin at Lexi Fernandez. Patuloy naman ang pagtaas ng ratings ng GMA News TV kung saang nakatanggap ito ito ng 4.4% average total day audience share sa NUTAM para sa buwan ng Pebrero, na higit na mataas sa 0.1% ng ABS-CBN News Channel (ANC) at 0.2% ng AKSYON TV. Ngayon taon, ilulunsad ang kakaibang mga documentary series na hindi pa napapanood sa GMA News and Public Affairs. Ang GMA at TV5 ay kapwa naka-subscribe sa Nielsen TV Audience Measurement, habang ang ABS-CBN ang tanging naka-subscribe sa Kantar Media. Sa Mega Manila, ang Nielsen ay may household sample size na 1,190 kumpara sa 770 household ng Kantar Media. Ang Nielsen ay may nationwide household sample size naman na 2,000 mas malaki sa 1,370 household ng Kantar Media. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News