Jason Francisco, humingi ng paumanhin sa sinapak niyang si John Prats
Humingi na ng paumanhin ang aktor na si Jason Francisco kay John Prats na sinuntok niya sa mukha nitong Huwebes ng gabi habang nasa taping ng kanilang programa sa Greenhills, San Juan. Sa ulat ni Allan Sancon na lumabas sa Philippine Entertainment Portal nitong Biyernes, inihayag umano ni Jason ang paghingi ng patawad kay John sa TV news program na Bandila. “Humingi ako ng paumanhin sa iyo na sana patawarin mo ako sa nagawa ko kasi alam ko na may pinagsamahan tayo," sabi ni Jason. “Sana mapatawad niya ako at ng pamilya niya.” Basahin: John Prats, inatake umano ni Jason Francisco Sa isang exclusive interview naman sa ABS-CBN News, inamin ni Jason na ang panunukso ni John sa kanyang girlfriend na si Melai Castiveros sa kanilang comedy show ang naging dahilan ng pag-init ng kanyang ulo. Handa rin umano si Jason na makipagkita kay John para personal na humingi ng paumanhin sa kanyang ginawa. Dahil sa nangyari kay John, napasugod naman ang napapabalita nitong kasintahan na Kapuso star na si Isabel Oli sa presinto kung saan nagpa-blotter ang aktor. "Nakakalungkot lang kasi alam ko naman, na si John, hindi naman siya ganung klaseng tao," ayon kay Isabel. “Kung iiwas siya sa gulo, iiwas talaga ‘yan. Nakakalungkot lang.” Sa kabila ng paghingi ng paumanhin ni Jason, sinabi ni John na desidido siyang maghain ng reklamo laban sa kapwa aktor. “Basta ako, I just want to file a case against Jason Francisco," ani John. "“Paano kung hindi ako? Hindi puwedeng gawin yun ng kahit na sino…na puntahan ang isang artista at manapak. Patuloy pa niya: “E, di pwede pala yun, na pumunta ako sa set ng ano…at manapak na lang ako. At rason na ganun? Napakababaw naman." - FRJ, GMA News