Heart Evangelista: 'Hayaan na lang nila ako maging masaya'
Bagama't naiintindihan ng aktres na si Heart Evangelista na gusto lamang ng kanyang mga magulang na mapunta siya sa mabuti, naki-usap itong pagbigyan siyang matutong makapagdesisyon sa kanyang sarili. Wika pa ni Heart, "Sa tingin ko, dahil magulang ko sila, gusto nilang mapunta ako sa mabuti at gusto nila maging masaya ako. Sa umpisa, okay lang po yon siyempre hinahanap ko pa sarili mo, kung sino ka talaga sa mundong 'to, you grow and you learn." Dagdag pa nito, "But there comes a time when you have to choose what makes you happy. So, medyo mahirap, actually mahirap na nandito ako ngayon dahil mahal na mahal ko 'yong magulang ko at ginagawa ko ang lahat pero sana hayaan na lang nila ako maging masaya, yong walang kokontra at walang pipigil kung anong nagpapatawa sa akin, ngayon lang naman ako humingi ulit." Dahil dito, hindi napigilan ng aktres ang maluha nang pag-usapan nito ang kasalukuyang problema ng kanyang mga magulang na sina Rey at Cecile Ongpauco sa nobyong si Sen. Chiz Escudero dahil sa di-umanong hindi kagandahang asal ipinakita at problema sa pag-inom. Wika pa ni Heart, "Si Chiz, siyempre na se-stress siya, it's election pero mas concerned siya sa akin kasi pamilya ko 'yong nasa TV ngayon. So, hindi naman kami masyadong nagpapadala siyempre, kailangan matatag pero mahirap lang talaga para sa akin." Kwento pa nito, minsan raw ay naiipit siya sa sitwasyon ng kanyang nobyo at magulang ngunit kahit minsan daw ay wala siyang naaalalang insidente na binastos ni Sen. Chiz ang mga Ongpauco. Wika pa nito sa panayam ni Raymond Gutierrez sa H.O.T. TV nitong Linggo, "Senator siya, ginagalang niya. 'Yong mas mababang tao nga nandiyan siya para sa kanya, ano pa kaya 'yong magulang ng mga taong mahal niya?" Gayundin, ayaw na ring magbigay nang kumento ng aktres ukol sa alegasyon ng kanyang mga magulang na nagsasabing may problema sa alak ang nobyong Senador. Ani Heart, "That is a lie at lahat ng... ayaw kong sabihing it's a lie kasi ayaw kong insultuhin sila, ang hirap talaga ng posisyon ko ngayon." Dagdag pa nito, "Pero kung ano man ang sinabi tungkol sa amin at sa kanila, hindi totoo 'yon. Ang saya-saya namin ngayon, ang saya-saya ko ngayon. Hindi ko maintindihan, kung gusto nila magkahiwalay kami, hayaan niyo na akong makapagdesisyon n'on, please?" Samantala, ayaw na rin gamitin ni Heart na butas ang problema sa church annulment ng nobyong Senador. Ito ay isa sa mga problema kung bakit hindi pabor ang ina nitong si Gng. Cecile. Katwiran pa ni Heart, "Tulad nga nang sinabi ng Mommy ko, wala nga siyang church annulment, pero lahat naman siguro nang papasukin mong relasyon 'yon ang ending, darating din 'yon, alam naman namin 'yon. Bakit pa kailangan gamitin 'yon laban sa amin?" On her own Umalis ng kanilang tirahan si Heart noong nakaraang linggo dahil sa nasabing problema at bagama't nahihirapan ito ngayong wala siya sa kanyang tirahan, iniisip pa rin nito kung makakayanan niyang umuwi sa kanila. "May reason sila dahil mahal nila ako, at ako lang siguro makaka-intindi non. Mahal na mahal nila ako at mahal na mahal ko din sila. Tama na," pahayag ng aktres. Ayon pa sa aktres, wala naman daw problema ang mga magulang niya sa nobyong si Sen. Chiz at naging maayos pa ang pagkilala nila ng kanyang amang si Rey Ongpauco. "Pumunta pa nga kami sa beach house niya. Naging maayos talaga kami, ito lang talagang mga nakaraang araw biglang naiba. Sa Mommy ko, alam kong mahal na mahal niya ako at sa lahat ng mga pinagdaanan ko nandiyan siya para sa akin pero hindi lang siguro siya ready akong i-let go," ani Heart. Dagdag pa nito, "Kung meron mang, kung may isang taong makakaintindi sa kanya ako yon dahil anak niya ako. Kaya nga kung may nasasabi tungkol sa kanya, nasasaktan ako dahil mahal ko siya. Kaya sana matapos na 'to kasi wala naman din akong ginagawang mali. Kung may ginagawa akong mali, I'm sorry. Hayaan niyo akong matuto on my own." — Mac Macapendeg/BM, GMA News