ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Hot Mama Sunshine Cruz, cover photo ng isang men's magazine


Matapos ang napabalitang sigalot sa pagsasama nila ng kanyang mister na si Cesar Montano, muling magpapakita ng kanyang kaseksihan ang aktres na si Sunshine Cruz bilang cover photo ng isang men's magazine. Si Sunshine ang napiling cover photo para sa April issue ng FHM magazine. Sa website ng nasabing babasahin, inihayag nila na ang aktres ang kauna-unahan nilang Pinay cover girl noong April 2000. Nang tanungin umano ang aktres tungkol sa kanyang pakiramdam sa muling pagsabak sa sexy photo shoot, tugon niya: "Actually nakaka-nerbiyos ito. At first I couldn't imagine myself doing a sexy pictorial again. But at the same time I'd like you to know that I was really excited to do this cover." Dagdag pa niya, "Matagal din naman talaga akong nag-lie low, 13 years nga to be exact. I'm very honored you never stopped asking me back, kahit may tatlong kids na ako." Sa edad na 35, makikita sa ilang larawan sa FHM na napangalagaan ni Sunshine ang kanyang pangangatawan kahit tatlo na ang kanilang naging anak ni Cesar na pawang mga babae. Taong 1990s nang sumabak sa mga sexy movies si Sunshine tulad ng Ekis, Kabit Ni Mrs Montero, Virgin People 2 at Lihim Ni Madonna. Naging kontrobersiyal din ang gagawin sanang pelikula ni Sunshine na pagtatambalan  nila ni Jay Manalo na may titulong "Dukot," na hindi na natuloy dahil sa pagtutol umano ni Cesar. Nitong nakaraang Pebrero nang mapabalita ang hindi pagkakaunawaan nina Sunshine at Cesar. Basahin: Sunshine Cruz, desididong hiwalayan si Cesar Montano? Sinasabing ang isang baguhang aktres na katrabaho ni Cesar sa bago nitong pelikula ang umano'y ugat ng pagtatalo ng mag-asawa. - FRJimenez, GMA News

Tags: sunshinecruz