ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Camille Villar, nag-aral sa Spain kaya tumigil muna sa TV hosting


Nasa Pilipinas ngayon ang TV host na si Camille Villar para magbakasyon at makasama ang kanyang pamilya ngayong Semana Santa. Si Camille Villar,  ay isa sa mga host sa programa ni Willie Revillame, at nag-iisang anak na babae nina Senador Manny  at dating Las Pinas Rep. Cynthia Villar. Tatagal lang ng dalawang linggo sa bansa si Camille bago muling babalik sa Barcelona, Spain para ipagpatuloy ang kanyang master’s studies sa business administration sa IESE Business School, University of Navarra. Ang naturang master's studies ang sinasabing dahilan kaya pansamantala itong tumigil sa TV hosting mula nang magreformat ang programa ni Willie.  Paghahanda na rin umano ito ng dalaga para pagpapatakbo ng real estate business ng kanilang pamilya. Sa ngayon, sinabi ni Camille na susulitin niya ang ilang linggong pananatili sa Pilipinas para makasama ang buong pamilya na ilang buwan din niyang hindi nakita. - FRJ, GMA News