Ilang int'l celebrities nakiramay kay Bruno Mars sa pagpanaw ng Pilipinang ina
Sumakabilang buhay ang isa sa pinakamamahal na tao ng half-Filipino international singer na si Peter Gene Hernandez o mas kilala bilang si Bruno Mars — ang kanyang ina.
Nitong Sabado lamang, Hunyo 1, 2013 (Hunyo 2 sa bansa), pumanaw si Gng. Bernadette Hernandez sa edad na 55 sa Queens Medical Center sa Honolulu, Hawaii, dahil sa brain aneurysm.
Noong 1968 at sa murang edad na 10, iniwan ni Bernadette ang Pilipinas patungong Hawaii kung saan na siya namalagi.
Ayon sa ulat ng dailymail.co.uk, mayroong anim na anak si Bernadette sa dati nitong asawang si Peter Hernandez — sina Peter Gene, ang kuya niyang si Eric at ang mga ateng sina Presley, Tahiti, Tiara at Jamie.
Huling napunta sa Pilipinas si Bernadette kasama ang mga anak at kamag-anak noong 2011 nang sorpresahin nila si Bruno sa kanyang concert tour na idinaos sa Cebu.
Hindi batid ng lahat, kabilang si Bernadette, na isa ring mang-aawit at hula dancer, sa mga nagturo kay Bruno para maging performer.
Nakilala si Bruno bilang pinakabatang impersonator ng tinaguriang King of Rock and Roll na si Elvis Presley. Sa edad na dalawang taon, nagtatanghal na ito sa mga palabas ng kanyang ama bilang impersonator ng The King. Habang ang ama ni Bruno ang nagsilbing showmaker, ang ina naman niya ang singer.
Noong apat na taong gulang si Bruno Mars, sinulat nito ang awiting "I Love You Mom" para sa kanyang ina.
Samantala, naging maganda ang takbo ng career ni Bruno mula nang pasikatin niya ang awiting "Just The Way You Are," isa sa pinakasikat na awitin ng henerasyon ngayon.
Noong 2011, nagpatuloy ang pagsikat niya nang makatanggap siya ng pitong nominasyon sa prestihiyosong award giving body na Grammy Awards. Sa katunayan, nanalo siya bilang "Best Male Pop Vocal Performance" para sa awiting "Just The Way You Are."
Bukod pa rito, ayon sa isang tweet ni Fergie, ang female vocalist ng pop group na Black Eyed Peas, nakasama ni Bruno ang kanyang ina sa isang event ng Grammys noong 2012 bilang date.
Nang malaman naman ni Bernadette ang nominasyon ni Bruno sa pitong kategoriya, hindi nito naitago ang kanyang saya.
“Bruno I am so so proud of you. I knew this was going to happen but not this extent... I still think of him as my baby and keep forgetting he is a man,” ani Bernadette sa isang report ng Hollywoodlife.
Tunay ngang malapit si Bruno sa kanyang ina, at makikita ito sa kanyang mga awitin at pagtanaw sa buhay.
Bagong bahay
Isa sa mga espesyal na pagkakataon sa buhay ni Bruno ay noong 2011, kung saan ibinili niya ng bahay at lupa ang kanyang ina.
Sa palabas ng CNN na Piers Morgan Tonight, sinabi nitong matagal na niyang pangarap ang mabigyan ang kanyang ina ng bahay at dahil sa tulong ng kanyang mga tagahanga ay natupad ito.
"She had been taking care of me for quite some time. It's time for her to sit back and relax," pahayag ni Bruno sa nasabing palabas.
“She was in tears. It was a very special moment for me," dagdag ni Bruno.
Dasal para sa pamilya Hernandez
Sa pamamagitan ng Twitter, isang micro-blogging site, nakiramay ang ilang kilalang personalidad ka Bruno Mars at sa pamilya nito.
Isa na rito ang United States Ambassador to the Philippines na si Harry Thomas Jr..
Bruno Mars' mom dies of brain aneurysm at 55 condolences to Bruno and his family
— Harry K. Thomas, Jr. (@AmbHarryThomas) June 2, 2013
Gayundin, nakiramay din ang ilang kasamahan ni Mars sa industriya.
Sending my love and condolences to @brunomars at this difficult time! I'm sincerely praying for you bro! #1Love
— Rihanna (@rihanna) June 2, 2013
Please send love, prayers to @brunomars and family, his mom Bernadette Hernandez passed away today, she was 55.
— JoJo Wright (@JoJoWright) June 2, 2013
I don't know @brunomars but as someone who lost a beloved parent while I was still young, my heart goes out to him.
— Richard Marx (@richardmarx) June 3, 2013
Thoughts & prayers tonight for Bruno Mars, who lost his Mom Bernadette on Saturday.
— Kane (@Kaneshow) June 2, 2013
terrible news. Praying for you @brunomars
— Randy Jackson (@YO_RANDYJACKSON) June 2, 2013
— Mac Macapendeg/KBK, GMA News