ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Ina ng young actress na si Kim Chiu, pumanaw sa edad na 50
Pumanaw habang nakaratay sa ospital sa Cebu ang ina ng young actress na si Kim Chiu. Sa programang "Walang Siyesta" sa dzBB radio nitong Martes, ipinaabot ni German "Kuya Germs" Moreno ang pakikiramay kay Kim at sa pamilya nito. Sinabi ni Kuya Germs na hindi dapat maging hadlang ang pagiging magkaiba ng network na pinagsisilbihan para ipaabot ang pakikiramay sa kasamahan sa showbizness. Sa report ng ABS-CBN kung saan contract star si Kim, sinabing pumanaw si Gng. Louella Chiu noong Linggo, June 23, habang naka-confine sa isang ospital sa Cebu. Hindi muna nagbigay ng impormasyon tungkol sa karamdaman ng ina ni Kim. Pero iniulat ni Erwin Santiago sa showbiz news website na PEP.ph, na batay sa isang source na malapit umano kay Kim at sa mga kapatid nito, "aneurysm" daw ang sanhi ng pagkamatay ng ina ng young actress. Nagpost din ng mensahe si Kim nitong Lunes ng gabi sa kanyang Twitter account (@prinsesachinita ng: "sana panaginip lang to..." Sinabi pa sa ulat na nagpalabas ng maikling pahayag kaugnay sa pagpanaw ng ina Kim ang Star Magic, na namamahala sa career ng aktres: "Star Magic sympathizes with Kim Chiu on the passing of her mother, Louella Y. Chiu. "We request that we give Kim and her family the respect and time to grieve for their loss. Thank you." -- FRJ, GMA News More Videos
Most Popular