ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Unang anibersaryo ng pagkamatay ni Dolphy, ginunita ng pamilya
Simple lang ang ginawang pag-alalala ng pamilya Quizon sa unang anibersaryo ng kamatayan ng tinaguriang hari ng komedya na si Rodolfo "Dolphy" Quizon sa Heritage Park, Taguig City noong Lunes.
Ayon sa ulat ni Lhar Santiago nitong Miyerkules sa Balitanghali, isang misa ang idinaos sa mismong puntod ni Dolphy. Naroon ang mga anak nito na sina Eric, Epy, Ronnie, Rolly, Edgar, Vandolph, Sally, Nicole, Zia, at ang partner nitong Zsa Zsa Padilla. Dumalo rin ang mga apo ng hari ng komedya.
Dumating din ang itinuturing na anak ni Dolphy na si Maricel Soriano at ang ilan pang mga kaibigan nito sa show business na sina Manay Itchu at Bibeth Orteza.
Ayon kay Eric, walang ibang plano ang pamilya Quizon para sa first death anniversary ngunit pinaghahandaan na rin nila ang ika-85 na kaarawan ni Dolphy ngayong Hulyo 25.
"On the 25th it's his birthday. Plano lang namin mass and then 'yong favortie past time ng daddy ko kumain at magdasal," pahayag ni Eric.
Dagdag pa nito, "Yon ang parati niyang ginagawa kapag lumalabas ng bahay or bago umuwi ng bahay, magdadasal o kakain o pareho. So 'yon lang gagawin namin."
Pagkatapos ng naman misa ay nagkaroon ng kaunting salu-salo sa naturang lugar ng puntod. — Mac Macapendeg/RSJ, GMA News
Tags: dolphy
More Videos
Most Popular