ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Alamin ang pinagkakaabalahan ng Pinoy stars tuwing tag-ulan


Pagkain, pagligo sa ulan, at pahinga—ilan lamang ito sa mga pinagkakaabalahan ng Pinoy stars tuwing tag-ulan. 
 
Kaya naman, kasabay ng malakas ng pagbuhos ng ulan nitong linggo, inalam din sa isang ulat ng Unang Hirit nitong Miyerkules ang mga hilig ng mga artistang tulad nina Mark Herras, Aljur Abrenica, at Ryza Cenon.
 
Ilan sa mga ito ang ipinagmamalaking signature hot chocolote ng Kapuso actress na si Ryza Cenon at ang organic champorado ng host at aktres na si Mariel Rodriguez.
 
Sa Instagram naman ng aktres na si Andi Eigenmann, ipinakita nito ang mainit na sopas na inihanda niya para sa anak na si baby Ellie.

Aljur Abrenica and Kris Bernal
Gayundin, kung iba ay pagkain, ang mga artista namang tulad nina Kris Bernal at Mark Herras ay mas gustong manatili na lang sa bahay at magpahinga.
 
"Usually ayoko ng lumalabas so nasa bahay lang talaga ko. Nanonood ng DVD. Gusto ko may mga tao sa bahay [kaya] nagyaya ako ng friends na 'punta kayo dito sa akin kasi ayaw ko lumabas kasi ang lakas ng ulan,'” kwento ni Kris.
 
Wika naman ni Mark, "Parang 'yon din ang panahon para masarap magpahinga, matulog, [at] mag-isip. So senti minsan pero usually 'pag umuulan, 'pag bed weather, it’s the best time to think things. I mean, like kung ano kaya ang pwede kong gawin tomorrow or in the future."
 
Samantala, pagligo naman ang gusto ng Kapuso hunk actor na si Aljur tuwing bumubuhos ang malakas na ulan. Ito raw ang pagbabalik tanaw niya sa kanyang kabataan.
 
Aniya, “It brings me back to my childhood, eh. Kasi nung nasa Pampanga ako, lagi akong naliligo sa ulan. Kahit nagagalit 'yung nanay ko, naliligo pa rin ako sa ulan.
 
"Recently lang, kapag umuulan, andon ako sa bahay ko sa third floor sa taas. So mas malakas ang ulan, malakas 'yung hangin. Naliligo ako. 'Yan ang ginagawa ko 'pag umuulan," patuloy ni Aljur.
 
Gayunpaman, bagama't maraming pwedeng gawing masaya sa tag-ulan, tila hindi naman nalilimutan ng ilang artista tulad nina Lovi Poe, Angel Locsin, at Carla Humphries na tumulong sa mga nasalanta ng bagyo sa pamamagitan ng kanilang mga social media accounts tulad ng Twitter at Instagram.
 
Dito, pinapaalam nila sa kanilang mga taga-subaybay (followers) kung sinong maaaring tawagan upang makahingi ng tulong. —Mac Macapendeg/KG, GMA News