ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kapuso stars, kaisa ng napakaraming Pinoy sa pagtulong sa mga biktima ng kalamidad


Sa panahon ng kalamidad, kabilang ang mga Kapuso stars sa napakaraming Pilipino na handang tumugon sa panawagan na magkaloob ng kanilang tulong sa mga kababayang sinalanta ng matinding pag-ulan at pagbaha sa Metro Manila at kalapit na lalawigan.   Ang Kapuso "Royal Couple" na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera, namahagi ng pagkain sa mga binahang residente ng Roxas District sa Quezon City.   Nakatakda sanang magtaping si Dingdong ng kaniyang bagong serye sa GMA-7 na 'Genesis' pero hindi ito natuloy dahil sa walang tigil na pag-ulan. Ang hapunan na para sana sa cast at crews ng produksiyon, napagkasuduan na dalhin sa higit na mga nangangailangang residente sa Roxas District.   Pero hindi doon natapos ang pagtulong ng dalawa, namahagi rin sina Dingdong at Marian ng relief goods sa mga sinalanta ng bagyo sa Pasay City katuwang ang Yes Pinoy Foundation ng aktor.   Sa 4th anniversary ng Yes Pinoy Foundation, nagsagawa rin ng special mission si Dingdong kung saan sinuong nito ang malakas na buhos ng ulan, tumawid ng ilog at umakyat ng bundok para marating ang Barangay San Rafael, Rodriguez, Rizal Province.   Sa tulong ng mga sponsor at YPF, personal na inihatid ni Dingdong ang mga bangka, mga bag, school supplies, raincoats, life vests at solar powered lamps sa mga mag-aaral ng Casili Elementary School.   Napanood umano ni Dingdong sa GMA News ang kalagayan ng mga mag-aaral kaya naman naisipan nilang maghandog ng donasyon sa paaralan at tulungan ang mga estudyante na nagsisikap na mag-aral.   Samantala, ang isa pang real-life Kapuso couple na sina Carla Abellana at Geoff Eigenmann, tumulong sa kampanya ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) na mabigyan ng masisilungan ang mga hayop na mawawalan ng tirahan dahil sa pagbaha.   Sina Enzo Pineda at Louise delos Reyes, sumama sa isinagawang relief operations ng GMA Kapuso Foundation, ang socio-civic arm ng GMA Network na pinamumunuan ni Tita Mel Tiangco.   Ang Asia’s Songbird Regine Velasquez at mister niya na si Ogie Alcasid, tumulong naman sa repacking operation ng Red Cross sa Kalayaan at Quezon City.   Ang bida ng "Genesis" na si Rhian Ramos, tumulong sa relief operations sa Santa Rosa Community Hospital at Barangay Ibaba's Evacuation Center sa Laguna.   Samantala, nakiisa sa GMA Network's telethon at sumagot sa mga tawag sina Luis Alandy, Barbie Forteza, Lauren Young, Elmo Magalona, Betong Sumaya, Bettina Carlos, Thea Tolentino, Derrick Monasterio, Julian Trono, Mikoy Morales, Luanne Dy, James Macasero ng Moymoy Palaboy, Kris Bernal, Bea Binene, Butch Francisco, at Marian Rivera.   Layunin ng telethon na makalikom ng pondo na gagamitin din sa pagtulong sa mga sinalanta ng pag-ulan at pagbaha.   Tumugon din sa mga tawag sa Kapuso Helpline sina Miss World Philippines 2013 Megan Young, Miss World 2nd Princess Zarah Bianca Saldua, at Miss World 4th Princess Omarie Osuna. Kasama rin sina Valerie Concepcion, James Macasero ng Moymoy Palaboy, Betong Sumaya, Regine Tolentino, Pekto Nacua, Drew Arellano at Steven Silva. -- FRJimenez, GMA News