Sharon Cuneta, nag-alok ng P10-M reward sa magpapatunay na kurap ang mister niyang si ex-Sen. Pangilinan
Kasunod ng mainit na talumpati ni Senador Jinggoy Estrada sa Senado tungkol sa isyu ng "pork barrel" scandal, sunod-sunod ang naging post sa kaniyang Twitter account ng Megastar na si Sharon Cuneta nitong Martes. Pangunahing paksa ng kanilang mga mensahe ang pagmamalaki sa kaniyang mister na si dating Senador Francis Pangilinan na hindi umano maakusahang nagwaldas ng pondo ng bayan sa panahon ng 12 taong panunungkulan nito bilang mambabatas. Sa talumpati kasi ni Estrada, nabanggit nito na bukod sa natatanggap na taunang Priority Development Assistance Funds (PDAF) ng mga senador ay nakatanggap pa ng karagdagang pondo ang mga senador para bumoto sa pag-impeach kay dating Chief Justice Renato Corona. Wala mang mga pangalan na binanggit si Estrada, kabilang si Pangilinan sa mga bumoto na patalsikin sa kaniyang puwesto si Corona. Magkasama rin sa partidong Liberal Party (LP) sina Pangilinan, nagtapos ang termino nitong Hunyo 2013, at si Pangulong Benigno Aquino III. Samantala, nasa oposisyon naman si Estrada na nahaharap sa reklamong plunder na isinampa ng Department of Justice sa Office of the Ombudsman. Kaugnay ito sa umano'y hindi tamang paggamit ng kanilang PDAF na idinaan sa ilang pekeng non-governmental organization ng negosyanteng si Janet Lim Napoles. Kasamang inireklamo ni Estrada sina Sens Bong Revilla at Juan Ponce Enrile, na pawang kasapi rin ng minorya sa Senado. Kaya naman ang reklamo nila, tila napag-iinitan sila ng Commission on Audit. Pabuya at hiwalayan Sa post ni Sharon sa kaniyang Twitter account, sinabi ng aktres na magbibigay siya ng P10 milyon na makapapapatunay na nagbulsa ng kanilang pondo ang asawang si Pangilinan. At kung totoong tiwali ang kanyang mister, hihiwalayan niya ito. Ganun daw katiwala ang Megastar sa kanilang asawa. "If anyone reading this can prove to me that my husband has stolen any amount from his PDAF in his 12 years as senator, I will give you P10 million in cash and I will leave my husband. That is how confident I am. Sorry, HINDI KAMI MAGNANAKAW," ayon kay Sharon. Idinagdag ng singer-actress na hindi nila kayang pakainin nang hindi nila pinaghirapan ang kanilang mga anak. Bukod dito, hindi rin umano tiwali ang lahat ng politiko. Nilinaw din ni Sharon na ang ginawa niya ang pag-post ng mga mensahe para masagot at malinawan ang ilang malisyosong tanong tungkol sa kanilang ari-arian.
Paliwanag niya: "Thanks for reading this. Im working now even if I have been wanting to go into semi-retirement na, because my husband has oly his law firmand his farm & his shares in some restaurants that our friends are experts at running to derive income from, and I have lots of utang to pay for." Dagdag pa ng Megastar: "With all due respect to Kiko, kaya ako nakakapagyweetna akin ang bahay na yan, na ito, na yon, ay di para magyabang kundi para masagot ang ilang malisyosong tanong, at malaman ng tao na sa hirap at dugo't pawis ko naggaling---HINDI DAHIL himalang YUMAMAN kami nung naging senador ang asawa ko. Ayan.. kasi di kami nagnakaw eh! E di sana may bahay na rin ako sa New York at Paris. Tsk tsk tsk...THE END!" May isang nagkomento naman sa post ni Sharon na nagsabing hindi ito dapat magmalis at inungkat ang tungkol sa umano'y "kabit" ng kaniyang mister. Sinagot naman ito ng singer-actress ng: @liannemadrazo at PLS LANG PAKIHARAP NA PO SA AKIN ANG PINIPILIT NYONG KABIT AT ANAK NI KIKO! Matagal na ako naghihintay may cash offer pa nga ako eh! Bakit WALA?! Naninira ka lang talaga. Buking! Hahaha" Sinundan pa niya ito ng mensaheng: "Okay , back to work na ako!:-) Moving on na po!!!! Basta malinis ang konsensya , masaya!!! Thanks foe your time. :-)." -- FRJimenez, GMA News@liannemadrazo at PLS LANG PAKIHARAP NA PO SA AKIN ANG PINIPILIT NYONG KABIT AT ANAK NI KIKO! Matagal na ... http://t.co/Mv7RYYj0RG — Sharon Cuneta (@sharon_cuneta12) September 25, 2013