Filtered By: Showbiz
Showbiz

Megan Young, itinanghal na Miss World 2013; unang Pinay na nakakuha sa nasabing korona


Itinanghal si Megan Young bilang Miss World 2013 sa idinaos na kompetisyon sa Bali, Indonesia nitong Sabado. Si Megan ang unang Pilipina na nakakuha ng korona sa nasabing kompetisyon mula nang sumali ang Pilipinas.

Nakasama ni Megan sa Top 6 ang mga kinatawan ng France, Ghana, Brazil, Spain at Gibraltar, na nakakuha ng People‘s Choice award.

Tinanggap ni Megan ang Miss World crown mula sa 2012 winner Wenxia Yu matapos ideklara ang kaniyang pagkapanalo.
 
"Amazing scenes here in Bali, Megan is overcome with emotions as a tear rolls down her cheek, promising to 'Be the best Miss World Ever'!" nakasaad sa Miss World official Twitter account. (https://twitter.com/MissWorldLtd/status/383952721604124672).
 
Si Miss France Marine Lorphelin ang runner-up, habang si Miss Ghana Carranzar Naa Okailey Shooter ang ikatlo.

Basahin: Sino sa tingin ni Megan Young ang mabigat na kalaban sa Miss World Pageant?
 
Naging tanong kay Megan sa question and answer portion ang, "Why should you be Miss World?" Sagot ni Megan na Starstruck alumna: "I treasure a core value of humanity and that guides people why they act the way they do." (https://twitter.com/AthenaImperial_/status/383950844489510912)
 
"I will use this to show other people how they can understand each other. ... as one, we can help society," dagdag niya.(https://twitter.com/AthenaImperial_/status/383950950127247360).

Bago ang tagumpay ni Megan, ang pinakamataas na posisyon na nakuha ng Pilipinas ay ang 1st runner-up noong 1973 kay Evangeline Pascual.

Noong 2011, nakuha ng pambato nating si Gwendoline Gaelle Ramos Ruais  ang 1st runner-up Asia & Oceania Continental Queen.

Samantala, nakapasok naman sa Top 15 noong nakaraang taon si Miss World 2012 Philippines  Queenierich Rehman.

Kaagad nakapasok sa Top 15 si Megan nang makasama siya sa Top 10 ng Miss World 2013's Top Model contest kung saan rumampa ang mga kandidata suot ang mga obra ng Indonesian designers.

Mapapanood ang panalo ni 2013 Miss World Megan Young sa GMA-7 ngayong Sabado ng gabi pagkatapos ng Celebrity Bluff. -- FRJimenez, GMA News