ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Mga pinagdaanang pagsubok sa buhay, inilahad ni Thea Tolentino
“Iniisip ko na lang yung mga bagay na nakapagpapainis sa’kin. Yung mga bagay na ayokong mangyari. Lahat naman tayo may mga kontrabida sa buhay, ‘di ba?,” ito ang sagot ni Thea Tolentino nang tanungin siya kung ano’ng motivation niya sa character niya bilang si Pyra sa Pyra, Babaeng Apoy. Kamakailan lang ay dumaan sa ilang matitinding problema si Thea, mga bagay na ayon sa kaniya ay ayaw niyang mangyari. Una rito ay ang pagkakaroon ng sakit ng kaniyang ama na si Nestor Tolentino. Ayon kay Thea, galing sila sa taping nang tanungin siya ng kasama kung gusto ko niyang umuwi sa kanilang bahay sa Calamba. Dito na niya nalaman na dinala sa ospital ang kaniyang ama. “Nagtago na lang ako doon sa may unan. Hindi ko na lang ipinapakita ang mukha ko kasi naiiyak na 'ko. Bakit nasa ospital agad? Ano ang nangyari? Tapos pag-uwi ko ang sabi nasa ICU nga daw tapos dinalaw namin,” malungkot na kwento ng aktres. Patuloy pa niya, pagpasok nila sa ICU ay kinabahan siya dahil may mga nakakabit sa katawan ng kaniyang ama. May nakitang daw bara sa ugat ng puso ng ama niya, batay sa pagsusuri ng mga duktor. Para kay Thea, iyon na ang pinakamabigat na pagsubok sa kaniyang buhay. “Close ako sa daddy ko. Noong bata ako, siya yung nagtuturo sa’kin sa mga school works at tumutulong sa akin. Kaya naisip ko kapag nawala siya, paano ko gagawin ‘yong mga bagay na hindi ko kaya,” pahayag ni Thea. Nagpapasalamat nga raw sa kanya ang kaniyang ama dahil sa ibinibigay na suporta nito sa kanilang pamilya. Dagdag pa ni Thea, "kung minsan sinasabihan niya ako na, pasensya na marami tayong ginagastos. Naiintindihan ko naman dahil kailangan naman talaga." Isa pang malaking dagok sa buhay ni Thea ay noong muntik nang maibenta ang kanilang bahay sa Laguna. “Yung time na ‘yon, nagkaroon kami ng problema. Hindi lang kami, pati yung store namin kasi simula nang naitayo ang SM Calamba sa tapat namin, siyempre humina yung business. Hindi gaya ng dati na talagang okay,” kuwento ni Thea. Nangyari daw ito sa kasagsagan ng Protégé Season 2. Dumating pa nga raw sa point na itinatago pa ng mga magulang ni Thea sa kaniya ang signage na ibinebenta na ang kanilang bahay. Kaya tuwing umuuwi siya noon sa Laguna, tinatanggal daw ang signage para hindi niya makita. Lagi nga raw sinasabi ng mga magulang ni Thea noon na galingan niya para makaraos na ang pamilya nila. Hindi naman binigo ni Thea ang kaniyang mga magulang dahil siya ang nanalo bilang Ultimate Female Protégé sa reality show na Protégé Season 2. Ani Thea, nakatulong daw ang premyong nakuha niya sa nasabing show para hindi na tuluyang maibenta ang kanilang bahay. Itinuturing ni Thea ang mga problemang ito bilang kaniyang mga kontrabida sa buhay. Ang mga ito raw ang ginagamit ni Thea ngayon bilang motivation niya sa pagganap bilang si Pyra. Subaybayan si Thea Tolentino bilang Pyra sa Pyra, Babaeng Apoy sa GMA Afternoon Prime, weekdays after Magkano Ba Ang Pag-ibig? –Al Kendrick Noguera/Bochic Estrada, GMANetwork.com Tags: theatolentino, pyra
More Videos
Most Popular