ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Jake Vargas sa kinasangkutang road accident: 'Akala ko mamamatay na’ko'
Nasangkot sa isang matinding road accident kamakailan ang Kapuso teen star na si Jake Vargas at ang kaniyang pamilya sa Bataan habang papunta sa Maynila para sa isang mall show.
Kuwento ni Jake, nangyari ang aksidente noong October 12 ng umaga habang bumabiyahe sila galing sa Pampanga papuntang Manila para isa isang mall show.
Ayon sa aktor, dahil sa malakas na ulan, naging madulas daw ang mga kalsada sa Dinalupihan (Bataan) kung saan nangyari ang road accident.
Nabigla raw ang kaniyang Tito na nagmamaneho ng sasakyan sa bahagi ng kalsada na paliko at biglang pataas.
“Pagkabig ni Tito Noli pa-kaliwa, hanggang sa lumakas yung pagkabig, umikot-ikot kami at nahulog kami malapit na sa bangin,” pag-alala ng aktor sa aksidente.
“Pumikit na lang ako, akala ko mamamatay na'ko. Sobrang na-shock ako dun sa nangyari,” dagdag niya.
Laking pasalamat niya nang hindi sila natuluyang nalaglag sa malalim na bangin. Kinabahan pa rin daw sila at hindi masyadong gumalaw dahil baka tuluyan silang malaglag sa nakatagilid na sasakyan nila.
Nang maging mahinahon na sila, tinawagan daw nila ang bayaw ni Jake na nagtatrabaho sa isang airport malapit sa lugar. Marami raw kasi itong kakilala at agad silang ni-rescue at dinala sa ospital.
Sa lahat ng nasa sasakyan, si Jake ang masasabing may pinakamatinding tama dahil sa tinamo niyang malaking bukol sa ulo at mga pasa sa likod kaya kinailangan siyang ipasuri sa duktor.
“Nagpa-x-ray ako. Sabi nga ng doktor, obserbahan ko raw kung masusuka or mahihilo ako. Basta yun lang. Wala naman sinabing malalang nangyari sa’kin,” kuwento ni Jake.
Sinubukan pa raw ni Jake na pumunta sa mall show ngunit ang producer na raw mismo ang nagsabing huwag nang tumuloy at magpahinga na lang.
Kuwento ni Jake, sa tuwing naaalala niya ang aksidente, napapatahimik na lang siya. Nagpapasalamat siya ng sobra dahil buhay pa siya at walang matinding nangyari sa kaniyang pamilya.
Dahil sa aksidente, may lesson daw na natutunan si Jake : “Dati kasi hindi ako nagsi-seatbelt, pero ngayon nagsi-seatbelt na'ko. Mahirap kasi baka mamaya mawala ka na lang.”
Ngayong fully recovered na si Jake, abangan siya sa Pepito Manaloto: Ang Tunay na Kuwento ngayong linggo ng gabi, after Kap’s Amazing Stories. - Al Kendrick Noguera/Bochic Estrada, GMANetwork.com
Tags: jakevargas
More Videos
Most Popular