ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Kylie Padilla on following Megan Young's footsteps: 'Pinangarap ko rin yun!'
By ROMMEL GONZALES, Pep.ph
Hindi pa rin itinutuloy ni Kylie Padilla ang plano niyang mamuhay na mag-isa.
Kasama pa rin niya ang kanyang kapatid sa dati pa rin nilang condo unit na pag-aari ng kanilang ama.
“Puwede naman po kasi nasa akin na yung condo pero nandito pa yung kapatid ko, ayoko siyang iwang mag-isa,” saad niya.
Nakabili na kasi si Kylie ng sarili niyang condo unit na bago pero hindi pa siya lumilipat dito. Kapag lumipat na roon si Kylie ay mag-isa na lang daw siya.
Mabuti at pinayagan siya ng ama niyang si Robin Padilla sa desisyon niyang mag-isa, kung sakali mang matuloy ito.
“Wala siyang magagawa e,” sabay tawa ni Kylie. “E binili ko po kasi, e.”
Handa na ba siyang mag-solo?
“Matagal na, nag-solo na po ako dati nung eighteen ako.
“Kailangan ko ng kasama sa bahay kasi pag-uwi ko ng bahay pagud na pagod na ako, e kailangan ko pang maglaba ng damit, kailangan ko pang magluto.
“Kaya ko naman po, yung sa washing machine lang pero sa sobrang pagod pag nagte-taping, hindi ko kaya. Kailangan ko po ng gagawa,” pag-amin ng dalaga.
At sa pagpapatuloy pa rin ng panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Potral) kay Kylie nitong Miyerkules, October 16, sa Fleur de Lys restaurant sa Tomas Morato Ave., Quezon City, kinumusta naman sa young actress si Mariel Rodriguez na asawa ng ama niya.
“Wala po akong balita, e. Tingnan natin ang Twitter niya, at saka Instagram,” at muling tumawa si Kylie.
Naituloy na ba niya ang pagiging interior decorator ng bagong bahay ni Aljur Abrenica?
Dati kasi ay nabanggit ni Aljur na gusto niyang si Kylie ang mag-ayos ng bahay niya dahil maganda ang taste ng kanyang girlfriend.
“Hindi, kumuha siya [ng ibang interior decorator]. Actually sinunod naman niya yung sinabi ko na dapat, kasi dati punung-puno ng kahit ano yung bahay, e.
“Sabi ko tanggalin niya lahat, dapat malinis. Nangyari naman, maganda na,” kuwento pa niya.
AFTERNOON PRIME PRINCESS? Kung si Marian Rivera ang Primetime Queen, si Kylie naman ang binansagang Afternoon Prime Princess ng Kapuso network.
“Ayoko, yung fans ni Kris [Bernal] nagalit na din dahil may sinabi ako tungkol diyan. Ayoko na,” at natawa si Kylie.
May awayan nga kasi sa pagitan ng fans nina Kylie at Kris Bernal na kapareha ni Alur sa Prinsesa Ng Buhay Ko ng GMA.
At para daw sa mga fans ni Kris, si Kris ang prinsesa.
“Ako na lang, ako, sino ako,” ang tawa pa rin ng tawang reaksyon ni Kylie.
“Kahit wala na, basta nandiyan ako, hindi na ako makiki-agaw, gagawin ko na lang ang trabaho ko.
“Ang tao ang magsasabi, hindi ako,” at tumawa muli si Kylie.
Ano ang reaksyon ni Aljur sa awayan ng mga fans nila?
“Mahirap din ang sitwasyon niya. Kasi alam niyang nasasaktan ako, sinasabi ko sa kanya 'tsaka nakikita niya, e.
“Pero wala din siyang magawa kasi fans e, 'tsaka sensitive rin yung mga fans nila, konting ano lang, kahit, ‘Tama na po,’ yung ganun lang magagalit na sila.”
PETTY FIGHTS WITH ALJUR. Kailan sila huling nag-away ni Aljur?
“Yung bago niya ako hinarana sa GMA.”
Naganap ito sa isang episode ng Sunday All Stars.
Ano ang pinag-awayan nila?
“Ay! Basta, okay na yun,” pakli niya.
Kaya siya hinarana ni Aljur ay para suyuin?
“Makikipaghiwalay na ako nun, e.”
Paano siya nakumbinsi na huwag ituloy ang pakikipag-break kay Aljur.
“E nakita ko kasi yung effort niya, never niya ginawa yun dati,” natutuwa niyang salaysay.
WILL ALJUR CONVERT? Kapag nagdesisyon silang magpakasal, kailangan bang magpa-convert ni Aljur bilang isang Muslim kahit hindi practicing si Kylie?
“May ganung factor po. Kahit hindi ako practicing. Gusto ni Papa may ganun, e.”
Puwede rin naman daw na hindi magpa-convert si Aljur.
“Puwede, pero maraming magagalit,” lahad niya.
Samantala, hinihintay raw ni Kylie na pagsamahin sila ni Aljur sa isang project sa GMA.
“Nagbibiro nga kami baka puwedeng pagkatapos niya ng taping sa Prinsesa Ng Buhay Ko doon naman siya sa Adarna.”
Ang upcoming teleserye na Adarna ang launching ni Kylie, kasama sina Mikael Daez and Benjamin Alves bilang leading men.
May nagbanggit naman na sina Kris at Carl Guevarra ay hindi pa rin umaamin na may relasyon sila.
“Why?” ang reaksyon ni Kylie.
Hindi tulad nina Kylie at Aljur na bukas sa publiko ang relasyon.
“Alam naman po ng mga tao. Lalo silang nagagalit pag nagsisinungaling ka.”
Malapit na ang Pasko, kaya tinanong namin si Kylie kung ano ang ireregalo niya kay Aljur?
“Wala pa. Wala pa akong naiisip, e. Kailangan ko pang mag-isip,” pag-amin niya.
NON-PRACTICING MUSLIM. Sa tanong kung may Pasko ba si Kylie since Muslim siya, inulit niya ang pag-aming, “Hindi po ako practicing, e.”
Ano ang reaksyon ni Robin tungkol dito?
“Siyempre ayaw po niya, ayaw niya yun kasi pinalaki kami na Muslim, pero wala rin siyang magagawa kasi sinabi rin niya na puwede kaming mag-artista.
“E hindi naman puwedeng... katulad niya na lalaki, madali nang gawin kahit na may ginagawa siyang bawal, okay lang.
“Pero pag babae, kailangan mag-shorts, walang hijad, kailangang mag-make up, kailangang makipag… you know, sa mga lalaki.
“Mahirap aminin na pinili ko muna yung trabaho,” detalyeng pahayag ni Kylie.
Hindi nagalit si Robin?
“Wala rin siyang magawa, siya ang nag-setup ng ganun, e.
“Yung mag-artista ka, or...”
Ang pagsusuot ng sexy and revealing outfits ang patuloy na sinusunod ni Kylie.
Hindi raw niya kaya na kapag nagsuot siya ng seksing kasuotan ay titingnan siya ng mga lalaki.
DREAMS OF BECOMING A BEAUTY QUEEN. Pero natuklasan namin na pangarap ni Kylie na sumali ng beauty pageants at maging isang beauty queen.
Bulalas niya, “Pinangarap ko rin yun! 'Tsaka pangarap ng nanay ko para sa akin 'yan. 'Tsaka yung para maging proud yung country mo para sa iyo.”
Tuwang-tuwa raw siya sa pagwawagi ni Megan Young bilang Miss World 2013.
“Pinanood ko siya, ang galing!”
Hindi nga lang raw makakasali si Kylie sa mga beauty pageants dahil hindi siya puwedeng mag-two piece na swimwear.
Aniya, “Wala, wala, pangarap lang yun.”
“IT'S RAINING MEN.” Hindi raw siya nanood ng Cosmo Bash kung saan rumampa si Aljur ng nakahubad.
“Hindi ako kumportable. Hindi lang siya ang makikita ko. “Pumunta ako backstage. Backstage pa lang ang daming nakahubad, nakaganun ako [nakatakip ng mukha], ‘Oh my God! Oh my God!’
“Siyempre ayokong mailang si AJ [palayaw ni Aljur] na alam mo yun, tapos tumitingin ako,’ at natawa si Kylie.
Pero kapag si Aljur daw ang rumarampa ng nakahubad, hindi naiilang si Kylie. Supportive raw siya sa paghuhubad ni Aljur sa Cosmo.
“Oo, sige lang, maganda naman kasi ang katawan niya, e.”
LOVE AND RESPECT. Magtatatlong taon na ang relasyon nila. Ano ang sikreto ng kanilang maayos na pagsasama?
“I think respeto at pagmamahal lang talaga. Kasi hindi ko rin alam kung paano namin nalagpasan yung ibang mga pinagdaanan namin. Iyon lang.”
Sino sa kanila ni Aljur ang mas madalas na nagsu-sorry at nanunuyo?
“Si AJ,” ang kinikilig na sagot sa amin ni Kylie. – PEP.ph
Tags: kyliepadilla, meganyoung
More Videos
Most Popular