ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Angel Locsin sa balitang breakup nila ni Phil Younghusband: ' Totoo po.'


Kinumpirma na rin ng aktres na si Angel Locsin ang tungkol sa mga lumabas na ulat na hiwalay na sila ng football star na si Phil Younghusband.

Sa pamamagitan ng kaniyang Facebook account, naglabas ng opisyal na pahayag si Angel upang linawin ang ilang bagay tungkol sa isyu. Gayunman, tumanggi ang aktres na sabihin ang dahilan kung bakit tinapos na nila ang may isang taon nilang relasyon.

"Sa mga naglalabasang balita kung saan na-quote po na nag pa-interview ako, hindi po ito totoo," ayon kay Angel sa pahayag.

“Wala pa po akong nakakausap about the issue dahil sa totoo lang po hindi ko pa ho kayang kumausap ng kahit sino sa press at nag si-sink in pa lang po samin ngayon ang lahat ng ito," dagdag pa niya.

Patuloy pa ng aktres, “Sa lahat po ng nagtatanong kung totoo bang hiwalay na kami ni Phil, Totoo po. Sana po maintindihan nyo kung hindi na po namin sasabihin ang dahilan..pero maayos po kaming naghiwalay at mutual decision po ito."

Humingi rin siya ng paumanhin kung bakit hindi kaagad sila nakapaglabas ng pahayag ni Phil tungkol sa pagtatapos ng kanilang relasyon.

Nagsimula ang pag-iibigan ng dalawa sa simpleng imbitasyon ng Azkal player na maka-date si Angel na ipinadaan ng binata sa kanyang Twitter account. (Basahin: A date with an Angel (Locsin): Azkals’ Phil Younghusband not losing hope)

“Pasensya na po kung hindi po kami makasagot agad tungkol sa status ng aming relasyon. Lalong-lalo na po sa mga sumuporta sa aming dalawa. Hindi po namin kayo binalewala... mahirap lang po talaga kung nasa ganitong sitwasyon," pahayag ni Angel.

Nitong Huwebes, napaulat din ang pagkumpirma ni Luis Manzano na hiwalay na rin sila ng kaniyang nobya na si Jennylyn Mercado.

Kabilang din sa latest na hiwalayan ay ang magkatipan na sina Billy Crawford at Nikki Gil, at ang maiksing relasyon nina Cristine Reyes at Derek Ramsay.

Maraming netizens ang kaagad na naghinala na may hindi magandang nangyayari sa relasyon nina Angel at Phil at Luis at Jennylyn nang tumigil sila sa pagpo-post sa kanilang mga social networking sites ng mga sweet message at larawan na magkasama. -- FRJimenez, GMA News