ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Eugene Domingo, nahirapan sa kanyang papel sa 'Kimmy Dora: Ang Kiyemeng Prequel'


Ang Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na "Kimmy Dora: Ang Kiyemeng Prequel" ang pinakamahirap para kay Eugene Domingo sa tatlong pelikula ng franchise ng "Kimmy Dora" dahil babalikan nito ang kabataan ng kaniyang dalawang karakter.
 
Wika pa nito sa ulat ni Lhar Santiago sa "Balitanghali" nitong Huwebes, "Hindi ko alam kung bakit ang hirap hirap nitong pangatlo. Siguro dahil prequel [at] bata pa sila. So, nagre-require talaga sila ng youthfulness, buti na lang talaga healthing-healthy ako."
 
Ito ang ikatlong franchise ng pelikulang Kimmy Dora na mula sa direskyon ni Chris Martinez. Ipinalabas ang "Kimmy Dora: Kambal sa Kiyeme" noong 2009 at ang "Kimmy Dora and the Temple of Kiyeme" noong 2012.


 
 
Gayundin, ipinangako naman ni Uge, palayaw ng aktres, na personal niyang babatiin ang mga manonood sa sinehan ngayong darating na kapaskuhan.
 
Bukod pa rito, hindi rin nakakaramdam ng kaba ang kilalang aktres bagamat malalaking pelikula rin ang mga kasabayan niya sa MMFF.
 
Aniya, "Hindi pressure kundi 'yong excitement kasi ang sarap ng pakiramdam na kasama ka hilera ng mga beteranong katulad ni Vic Sotto [at] Kris Aquino."
 
Bibida sina Vic Sotto at Kris Aquino sa pelikulang "My Little Bossings" at makakasama nila rito sina Bimby Aquino at Ryzza Mae Dizon.
 
Sa parehong ulat, mapapanood din ang aktres na si Agot Isidro para sa pelikulang "Anino ng Kahapon" na pasok sa New Wave Category ng MMFF kung saan gaganap siya bilang babaeng may sakit sa pag-iisip.
 
Kuwento pa ni Agot, hindi raw naging madali para sa kaniya ang ginampanang papel kaya't pinaghandaan at pinag-aralan nitong mabuti ang naturang karakter.
 
"We really went to the National Mental Hospital and then we spoke to the doctors. And then, we kinda interviewed some patients tapos nag-observe kami," kwento ni Agot.
 
Bukod naman sa kanyang MMFF film, abala rin ang aktres para sa pagbibidahang bagong Primetime drama ng GMA-7 kung saan makakasama niya sina Marian Rivera at Alden Richards.  — Mac Macapendeg/ELR, GMA News