Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ang ‘suntok sa buwan’ na 2013 ni ‘Ilo Ilo’ star Angeli Bayani


"Suntok sa buwan."
 
Ito ang madalas na paglalarawan ng aktres na si Angeli Bayani tungkol sa magandang takbo ng kaniyang karera ngayong 2013, taong napasama siya sa pitong pelikula at dalawang palabas sa telebisyon.
 
Nitong Marso, bumida si Angeli bilang si Nena Santiago, ang asawa ni Mayor Joseph Santiago (Rocco Nacino), sa kauna-unahang dramaserye ng GMA News TV na "Bayan Ko" na idinirekta ni Adolfo Alix, Jr.
 
Kuwento pa ng aktres, "Nagulat kami. Hindi namin akalain na mataas ang ratings tapos mananalo pa. Tapos I would like to think na it's because of all the hard work and passion that everyone brought into the table— sana 'yong ibang shows kahit nagmamadali, maisip din yon."
 
Nakatanggap ang "Bayan Ko" ng "Quill Award for Excellence," ang pinakamataas na parangal para sa kategoriyang advocacy communication sa 2013 Quill Awards. Kinilala rin ito bilang "Best Drama Series" sa 2013 Catholic Mass Media Awards.
 
Dalawang pelikula naman na pinagbidahan ni Angeli ang nakapasok sa prestihiyosong Festival de Cannes or Cannes Film Festival ngayong taon.
 
Ito ang Singaporean film ni Anthony Chen na "Ilo Ilo" kung saan natanggap nito ang pinakamataas na parangal na "Caméra d'Or." Pasok din ang pelikulang "Norte, Hangganan ng Kasaysayan" ni Lav Diaz na ipinalabas sa Un Certain Regard section ng naturang festival.
 
 
Pagpasok sa Cannes
 
Mas nakilala sa bansa ang pangalang Angeli Bayani nang bumida ito sa Singaporean film na "Ilo Ilo," ang pelikula na nakatanggap ng pinakamataas na parangal sa Cannes Film Festival ngayong taon.

Both "Auntie Terry": Teresita Sajonia and 'Ilo Ilo' star Angeli Bayani. Photo from the "Ilo Ilo" Philippine premier publicity team


"Siyempre naloka ako, minessage pa ako ni Anthony na please don't tell anyone but we got in Cannes," pag-alala ni Angeli nang sabihin sa kanya ng Singaporean director na pasok ang kanilang pelikula.
 
"Nabasa ko sa laptop ko, sinara ko ang laptop ko, lumabas ako at nagyosi— napaganon lang talaga ako," kuwento ng aktres. "Mabuti na lang sinabi niya agad ang, 'Please don't tell anyone' doon sa message."
 
Ilang linggo matapos malaman ni Angeli na pasok ang "Ilo Ilo" sa Cannes, nakatanggap naman ng siya ng tawag mula sa producer ng "Norte" kung saan ibinalita sa kaniya na kabilang ang kanilang pelikula sa prestihiyosong film festival.
 
Aniya, "Itong 'Norte' naman, wang [walang] private message. Talagang tawag na tumitili sila na 'Nakapasok tayo ng Cannes!' Pero hindi pa puwedeng sabihin so sabi ko, ano ba?"
 
Tila hindi raw makapaniwala si Angeli na nakapunta siya ng France at naging parte ng Cannes Festival. Para kasi sa kanya, isa lamang itong pangarap.
 
"Bilang nandoon 'yong sa consciousness namin na pangarap siya, suntok sa buwan na makapanalo sa festival dito. Pero sabihin na makakapasok ka 'don sa ibang bansa— para siyang hindi totoo. Para siyang literally Cinderella and the glass slipper," batid ni Angeli.
 
Patuloy pa nito, "Wow. Basta, even when I was there para siyang hindi totoo."
 
‘Ilo Ilo’ at ang Oscars 2014
 
Si Angeli Bayani ang kaisa-isang Filipina na bumida sa pelikulang "Ilo Ilo." Binigyang buhay niya ang karakter ni Teresa o Auntie Terry na hango sa kuwento ni Teresita Sajonia, ang dating nanny ng direktor na si Anthony Chen noong dekada 90.
 
"There definitely was pressure. The initial pressure was dahil feeling ko, dahil invitational ang audition. Siyempre, 'di ba merong kalakip na, ni-refer ko 'yan— ayaw kong ipahiya ang nag-invite sa 'kin," kuwento ni Angeli.
 
Gayundin, tila nagkataon at sinuwerte si Angeli nang makuha niya ang naturang papel dahil siya ang huling aktres na sumabak sa audition. 
 
"I was the last actress to audition and I was not counting on getting the role. I just went there out of courtesy kasi sabi nila hihintayin nila ako," paliwanag ni Angeli.
 
Si Sheron R. Dayoc, isang lokal na filmmaker, ang nagtulak sa aktres upang mag-audition. Ilan sa mga pelikulang ginawa nito ang "Halaw" (2010), "A Weaver's Tale" (2009), at "Mientras su durmida" (2012).
 
"Kung hindi niya pinush 'yon, grabe and to think I have not met Sheron personally. Nagkita lang yata kami ng hi-hello sa Cinemalaya, kasi kakapanalo niya lang for 'Halaw.' I congratulated him and that's it," pag-alala ni Angeli. 
 
"Nakakaloka kasi ang simpleng hi-hello sa Cinemalaya, obviously made an impression otherwise, he would have not remembered me," patuloy nito. "Up to now, I don't know why he invited me and I don't know why he pushed for that Sunday evening auditions na malamang, ako lang ang nagpunta nong araw na 'yon. I will never know talaga."
 
Maraming festivals sa iba't ibang bansa na ang napuntahan ng "Ilo Ilo" kabilang na ang Cannes Film Festival at katatapos na Golden Horse Festival sa China.
 
Sa darating na 2014, malalaman naman kung pasok ang "Ilo Ilo" na napabilang sa mga shortlisted na pelikula para sa Foreign Language Film category ng 86th Academy Awards o Oscars 2014.
 
"'Yon talaga, grabe, ayaw ko siyang isipin kasi kung ang Cannes suntok sa buwan, ano pa kaya 'yong Oscars na bata ka pa lang, pinapanood mo na, inaabangan mo na," ani Angeli.
 
Patuloy pa nito, "I cannot even begin to describe kung ano ang nararamdaman ko na shortilisted ang 'Ilo Ilo'— ayaw ko siyang isipin pero at the same time alam kong kailangan ko siyang i-deal with eventually lalo na pagdating ng January kasi hindi mo alam, e. Kung makapasok man, e 'di, oh my god, hindi ko alam? Magpapa-inom ba ako? Magpapamisa?"
 
Dagdag pa ni Angeli, "Kung hindi naman, e 'di move on with life. 'Yong tinatahak ng 'Ilo Ilo' ngayon parang pataas ng pataas. Kakapanalo pa lang ng Golden Horse which is like the Oscars ng China, grabe. Hindi ko talaga alam, parang panaginip na siya, sobra, pero siyempre sana magkatotoo lalo na si Anthony ayaw niya ngang pag-usapan, e."
 
Auntie Terry
 
Nang matanggap ni Angeli ang karakter ni Auntie Terry, ang una nitong naisip ay kailangan niyang mapanindigan niya ang puntong Ilonggo. 
 
Ngunit nang makahalubilo nito ang ilang Overseas Filipino Workers (OFW) sa Singapore, mas naunawaan niya ang buhay nila at naisip na mapanindigan ang buhay nila sa ibang bansa.
 
Aniya, "Sa totoo lang, hindi naman importante sa 'kin na maalala nila ang pangalan ko or whatever. Gusto ko 'pag nanood sila, tama 'yan, 'yon kaagad."
 
"Importante talaga sa 'kin na kapag nanood sila, 'yong makatotohanan naman ang mapanood nila, hindi 'yong dramatized na buhay nila," patuloy nito.
 
Ang karakter ni Angeli sa naturang pelikula ay hango sa buhay ng dating nanny ni Anthony Chen.
 
"I was drawn to the character by her inner strength," paliwanag ng aktres. "Nagulat ako actually kasi I didn't know Anthony. Ang akin lang, this is such a personal glimpse of a character na I'm sure malayo sa karanasan niya."
 
Patuloy pa nito, "She was a relatively quiet person sa pagkakabasa ko sa script. You relate to her not even under that title na OFW siya,na bagong bayani— you relate to her as a human being. Ako, my most primal level is mother, 'yon, nag-relate ako agad sa kaniya as a mother. Napakalapit niya sa 'kin na iniiwan ang anak para makipagsapalaran. Doon pa lang, naka-connect na ako. It was a very well-written character."
 
Upang maunawaan ni Angeli ang kaniyang karakter, dumalo ito sa ilang training services sa Singapore, gayun din ay nakipag-usap siya sa ilang OFW.
 
"No'ng narinig ko ang mga storya nila, sabi ko shucks, sana talaga tama ang ginawa ko dito sa 'Ilo Ilo.' The pressure mostly is coming from myself," aniya.
 
Gayunpaman, naging maganda ang pagtanggap ng mga OFW sa ginampanang karakter ni Angeli. Nagpasalamat pa rin ang ilan sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa social media site na Facebook.
 
Angeli at ang Tanghalang Pilipino
 
Nakapagtapos ng kolehiyo si Angeli Bayani sa University of the Philippines– Diliman sa kursong Theater Arts at nagsimula itong magtrabaho bilang aktres noong 2002 sa Tanghalang Pilipino Actor's Company, ang resident company of the Cultural Center of the Philippines.
 
"Do'n ko nakuha sa Tanghalan talaga ang feeling ko, naks, na which brought me here. Diyos ko, sa totoo lang, if anyone asks, 'yon talaga ang sasabihin ko, feeling ko doon ako pinanganak sa TP," ani Angeli.
 
Malaking bagay para kay Angeli ang mga natutunan niya sa Tanghalang Pilipino. Kaya naman, sinisiguro nitong maipagmamalaki siya ng kaniyang mga guro tulad nina Irma Adlawan Marasigan, Dennis Marasigan, Anna Valdez Lim, Herby Go, Filomar Tariao, at Jay Cruz.
 
"Ngayong colleagues na kami ng teachers ko, ayaw niyang tinawag ko siyang teacher. Hanggang ngayon, I seek to do them proud, as in ayaw ko na may masabi sila," saad ng aktres.
 
"Hindi ko talaga makakalimutan ang ginawa nila for me na, medyo pasaway kasi ako dati in the sense na, 'yong para sa 'kin okay na 'yon, e, binibigay ko na lahat. Akala ko binibigay ko na lahat pero hindi pa pala," patuloy nito.
 
New York sa kanyang isipan
 
Inamin ni Angeli na may nakausap itong ahensiya mula sa New York na maaaring makatulong sa kaniya upang magkaroon ng trabaho sa Estados Unidos. Ayon pa sa aktres, nagustuhan naman daw nila ang aktres.
 
"Sana may patunguhan pero I don't know. Kasi sa totoo lang, 'yon talaga, parang suntok sa buwan— I mean how many actors here dream of going to New York and perform on Broadway? Ako, honestly, 'yon ang iniisip ko," pag-amin nito.
 
Patuloy pa ni Angeli, "Pero kung makikipagsapalaran ako sa isang area ng industry na wala akong kilala— I have no idea talaga, gusto ko siyang gawin dahil feeling ko napakalaking tanga ko kung hindi ko susubukan."  — ELR/KG, GMA News