Papadom ng bandang ‘Tropical Depression’ pumanaw na
Pumanaw na ang isang haligi ng alternative Filipino music. Nitong Miyerkules, binawian ng buhay si Dominic Gamboa, mas kilala bilang Papadom ng reggae band na "Tropical Depression."
“Yes, true [that he died]. For now, the family would like some privacy,” nakasaad sa text message na ipinadala sa GMA News Online ng isang kaanak ni Papadom.
Sa Facebook account ng singer na si Cookie Chua, nagpost ito ng mga mensahe ng pasasalamat at pamamaalam kay Papadom.
video uploaded by Tribong Pinoy/photo from Tropical Depression FB account
Binanggit din ni Cookie ang paghingi ng dalawang araw na privacy ng pamilya ni Papadom bago sila magbibigay ng detalye tungkol sa pagpanaw ng mang-aawit at kung saan ito ilalagak.
Napag-alaman na ipagdiriwang sana ni Papadom ang kaniyang ika-49 kaarawan bukas (Huwebes).
Kabilang sa mga awitin na pinasikat ng grupo ni Papadom ay Kapayapaan, Bilog Na Naman Ang Buwan at Alaala.
Noong Marso 2012, pumanaw din ang isa sa mga idolo sa Pinoy rock music na si Karl Roy, lead vocalist ng alternative rock band na Advent Call at P.O.T. (Basahin: Pinoy rock legend Karl Roy dies at 43). -- FRJ, GMA News