ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Kevin Santos, nahihirapan daw gumanap muli sa lalaking character

Naging maingay ang pangalan ni StarStruck Season 2 alumnus Kevin Santos nang gampanan niya ang role ni Danny sa hit teleserye na My Husband’s Lover noong 2013.
Ang character ni Danny ay ang gay best friend sa show ni Eric, na ginagampanan ni Kapuso actor Dennis Trillo. Nakasama rin ni Kevin sa show ang Kapuso stars na sina Tom Rodriguez at Carla Abellana.
Ayon kay Kevin, hindi naman daw ito ang unang pagkakataon niyang gumanap bilang isang gay. Kaya laking gulat na lang niya dahil naging mainit ang pagtanggap sa kanya ng mga manonood.
“Nakapag-play na rin ako ng gay roles before, pero ang ganda lang ng story ni Danny, kasi pati ‘yong background ng character ni Danny, kinalkal. Ganoon siguro ‘yong tumatak sa tao kaya na-appreciate nila,” dagdag niya.
Bukod sa pagsali niya sa StarStruck, last year daw ang itinuturing ni Kevin na pinaka-memorable sa kanya.
“Actually, sobrang hindi ko ine-expect na lalaki nang ganito ang role ni Danny. Hanggang dulo umabot siya. Super happy ako kasi parang ito ‘yong pinaka-big break ko dahil sa My Husband’s Lover,” aniya.
Matapos ang halos tatlong buwan, muling magbabalik si Kevin on-screen sa pagganap niya bilang Jorrel sa bagong GMA Afternoon Prime soap na The Borrowed Wife.
Tulad nang sa My Husband’s Lover, best friend din si Jorrel ng isa sa mga bida sa soap. Ngunit malaki ang pagkakaiba ng characters nina Jorrel at Danny dahil lalaking-lalaki ang personalidad ng nauna. Lalaki rin ang best friend niya rito na si Rico, ang role ni Kapuso hunk Rafael Rosell.
Sa ginanap na presscon ng show, hindi nakaiwas si Kevin sa press nang tanungin siya tungkol sa malaking transition ng kanyang character.
Agad namang inamin ng aktor na nahihirapan siyang ibalik ang pag-portray ng lalaking character dahil nasanay siya sa huling role na ginampanan niya.
“Well una kasi parang noong My Husband's Lover, talagang 'yon yung tumatak na role para sa ‘kin. And ngayon dito sa The Borrowed Wife parang nahirapan akong mag-adjust,” saad niya.
Paliwanag pa ni Kevin, “nahihirapan ako iba kasi ‘yung ginawa ni Danny doon. So iba ngayon si Jorrel dito. Nag-training siya, nag-gym, 'yon pala lalaki siya. (laughs)”
Patuloy na subaybayan si Kevin Santos kasama sina Camille Prats, Rafael Rosell, TJ Trinidad, at Pauleen Luna sa The Borrowed Wife, weekdays after Magkano Ba Ang Pag-ibig? on GMA Afternoon Prime. – Al Kendrick Noguera/Bochic Estrada, GMANetwork.com
Tags: kevinsantos, myhusbandslover
More Videos
Most Popular