ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Hamon ni Deniece Cornejo kay Vhong Navarro: ‘Magpakalalaki ka!’


Emosyonal si Deniece Cornejo nang lumabas ito sa harap ng kamera sa isang eklusibong panayam ng "StarTalk" nitong Linggo. 
 
Sa naturang panayam, nanindigan si Deniece na siya ang biktima sa naturang insidente na nangyari noong Enero 22. Bukod pa rito, nagbigay din ito ng hamon para sa aktor. Aniya, "magpakalalaki ka!"
 
"Kuya Vhong, hindi 'to pelikula— totoong buhay 'to. Oo, komedyante ka, pero lahat ng saya merong dark side. May kalungkutan din na kailangan mong harapin... Magpakalalaki ka! Dahil itong mga lalaki na'to na parang mga kapatid ko, nagpakalalaki," ani Deniece sa panayam nina Heart Evangelista at Butch Francisco sa naturang programa.
 

Patuloy pa ng 22-anyos na dalaga: "Kung iniisip mo ang career mo, ang trabaho mo, tutulungan kita. Sa pangalawang pagkakataon, susuklian ko ng kabutihan. Kung meron man ditong binaboy, hindi ikaw kundi binaboy mo ako!"
 
Nagbunga ang naturang problema matapos tumungo ang aktor sa condominium ng dalaga sa Bonifacio Global City noong Enero 22 kung saan sinabi nitong tinangka siyang gahasain ni Vhong.
 
 
"Kung mapapansin niyo po, lagi na lang po ang panig ni Vhong [ang naririnig]. Hindi pa po naririnig, hindi pa po nabibigyan ng pagkakataon magsalita ang mga taong naapektuhan at biktima," pahayag ni Deniece.
 
Gayundin, nanindigan si Deniece na hindi lamang para sa kaniya ang laban kundi para rin iba pang kababaihan na naging biktima ng rape.
 
Aniya, "Kuya Vhong, mag-isip ka, mag-unawa... Hindi ko po kasalanan na pinalaki ako ng magulang ko sa paglaban po ng katotohanan at karapatan. Hindi po ako nagtatapang-tapangan pero isipin mo [ang] pinaglalaban ko rito."
 
"Kung sinasaktan niyo po ang isang rape victim na katulad ko, parang sinasaktan niyo na rin ang mga rape victim, ang mga naaabuso," dagdag nito.
 
Nanindigan din si Deniece na siya ang nagsasabi ng totoo sa kanilang dalawa. 
 
"Hindi 'to haka-haka lamang. Hindi ko itataya, hindi ko isusugal ang pangalan ko sa sensitibong paraan," pahayag nito.
 
Matakot sa ikalawang buhay
 
Nananatiling matapang si Deniece sa kabila ng mga pinagdaraan nito kaugnay sa naturang insidente.
 
Giit pa nito, "Kung wala kang ginagawang mali, wala kang kailangan ikatakot. Alam mo ang katotohanan, alam mo ang limitasyon mo."
 
Samantala, naunawaan niyang nasa komedyante ang simpatiya ng publiko kaya nananatili itong matapang.
 
"Kuya Vhong, ngayon, panalo ka. Pasensiya na, simple lang ako, [at] hindi ako makapangyarihan. 'Yong panalo ka pero matakot ka sa ikalawang buhay. Ako, handa ako ibuwis buhay ko dahil nagsasabi ako ng katotohanan. Hindi ako natatakot, hindi po ako natatakot," paninindigan nito.
 
 
Dagdag pa ni Deniece: "Mas ikakatakot ko ang ikalawang buhay, diyan sa impyerno. Kung ikaw nasaktan diyan, matakot ka! Ako 'yon ang kinakatakutan ko, e. Hindi ako nag-iimbento pero pagsinabi ko, handa kong ibuwis ang buhay ko dahil nagsasabi ako ng katotohanan."
 
Depensa sa mga lalaking tumulong
 
Sa kaniyang mensahe para kay Vhong, dinepansahan din ni Deniece ang mga "lalaking tumulong" at sumagip sa kaniya sa umanong pagtatangkang panggagahasa. Kabilang rito si Cedric Lee,  Zimmer Raz, at tatlo pang lalaki.
 
"Hindi 'to problema, pagsubok lamang to. Sa mga tao na naabuso, sa mga babae na nasaktan, nandito ako para lang lakasan ang loob niyo. 'Yong mga lalaki na tumulong sa'kin, mga lalaking sinagip ako, napakabuting tao niyan [at] galing sa disenteng pamilya 'yan, [pagkatapos] ginulo mo [Vhong]."
 
Bukod pa rito, sinabi rin nito na ngayon ang tamang oras para suklian niya ang ginawang pagtatanggol sa kaniya.
 
"Sinasabi niyo na marami silang koneksyon, na mayaman sila. Oo... Dahil sa sipag at tiyaga nila, kaya sila pinagkatiwala ng gobyerno. Bakit puro na lang kami? Sila na nga ang tumulong, e. Tinulungan nila ako, pinagtanggol nila ako. Kaya ito ang tamang oras para ipagtanggol ko sila. Hindi nila 'to deserve."
 
Cedric Lee
 
Bago pa man ito magbigay ng mensahe para kay Vhong Navarro, naunang naitanong ni Heart kung natatakot ba ito kay Cedric Lee.
 
"Sabi ko po, kung alam niyo po ang katotohanan, walang kailangan katakutan," sagot nito.
 
Bukod pa rito, upang makatulog sa gabi, patuloy lamang itong nagdarasal upang makakuha ng lakas.
 
 
Aniya, "Ever since God fearing po ako, e. Trabaho ko pong magpabago, mag-inspire, magsalita sa maraming tao."
 
Vhong Navarro, 'traumatized' sa insidente
 
Ayon kay Lolit Solis sa kaniyang panayam sa abogado ni Vhong na si Atty. Dennis Manalo, sinabi sa kaniya ng aktor na "traumatized" pa rin ito sa pangyayari at tuwing may kumakatok sa kaniyang silid sa ospital ay nakakaramdam ito ng takot.
 
 
"He has been advised, actually, not to be watching news reports about the incident at siya din po ay napagsabihan na kung pupuwede ay huwag masyadong mapag-usapan nila within the hospital 'yong mga pangyayari noong Enero 22," saad ni Manalo.
 
 
Patuloy pa nito, "Ang rason po, pilit pong inilalayo 'yong doktor, nung psychologist ang mga masasakit na alaala na yon kay Mr. Navarro hanggat hindi pa siya makarating doon sa point na kaya na niyang tanggapin psychologically, emotionally, mentally, ang napaka-traumatic na incident na 'yon."
 
 
Samantala, pinag-uusapan na rin ng kampo ni Vhong kung magsasampa sila ng kasong perjury laban sa kampo ni Deniece.

Basahin: Raps filed vs. Vhong Navarro's attackers — Mac Macapendeg/JDS, GMA News