ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz
Marian Rivera, Alden Richards, masaya sa mainit na pagtanggap ng mga Bicolano

Masaya ang on-screen partners na sina Alden Richards at Marian Rivera sa mainit na pagtanggap ng mga Kapusong Bicolano nang pumunta sila sa Naga at Albay sa Bicol nitong Pebrero 9 para sa promotional tour ng GMA Telebababad show na "Carmela, Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw."
"Iba talagang magmahal ang mga Bicolano. Napaka-warm ng pagtanggap nila sa amin," pahayag ng Kapuso Primetime Queen na si Marian.
Nagpapasalamat din si Marian sa oportunidad na maikot ang iba't ibang lugar sa bansa, gayundin sa pagkakataon na makasalamuha ang iba't ibang tao sa mga lugar na kaniyang napupuntahan.
Aniya, "Nagpapasalamat ako sa Kapuso Network sa pagkakataong ibinibigay nila sa aming mga artista na maikot ang iba’t ibang lugar sa Pilipinas."
"Nakakatuwa kasi nagkakaroon kami ng chance na makilala yung supporters namin na talaga namang sinusubaybayan kami araw-araw," patuloy niya.
Samantala, masaya naman si Alden na makatrabaho ang Kapuso Primetime Queen.
Wika niya, "Sobrang nag-enjoy kami ni 'Yan. We really didn't expect the huge crowd during our shows and we're just thankful. Yung mga tagahanga namin, blessing talaga sila para sa amin kaya thank you sa kanila."
Nakasama ng "Carmela" stars ang "Anak Ko ‘Yan" contestant na si James Wright, ang boses sa likod nang theme song na palabas na isinulat ni Vehnee Saturno.
Nauna silang nagtungo sa Naga City para sa isang motorcade na sinundan ng Kapuso Mall Show na idinaos sa SM City Naga. Pagkatapos nito, dumirteso ang tatlo sa Daraga, Albay para sa Kapuso Fiesta, kasabay na pagdaraos ng Cagsawa Festival.
Ngayong Pebrero 22, tutungo naman sina Alden at Marian sa Baguio City upang makisaya sa selebrasyon ng Panagbenga Festival. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News
More Videos
Most Popular