ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Alamin kung sino ang pumalit sa pumanaw na si Roy Alvarez bilang si Don Manolo sa 'Villa Quintana'



 
Palalim na nang palalim ang istorya ng GMA Afternoon Prime soap na Villa Quintana. Pero sa tagal nang umeere ng show na ngayo’y nasa 17th week na, hindi naiwasan na mabawasan ang kanilang cast nang pumanaw ang veteran actor na si Roy Alvarez noong February 11.

Dahil marami pang tatakbuhin ang character na naiwan ni Roy na si Don Manolo kaya't nagdesisyon ang GMA na humanap ng magpo-portray sa dating character ng pumanaw na aktor. Ang napiling gaganap bilang Don Manolo ay ang veteran actor/comedian na si Al Tantay, na ngayo’y nagbabalik na bilang Kapuso.

Ang huling main role na nagampanan ni Al sa Kapuso Network ay noong 2010 pa. Ito ay ang pagganap niya bilang Edmundo sa Gumapang Ka Sa Lusak. Gumanap din siya as Rigor sa Bantatay.

Unang beses na sumabak sa taping ng Villa Quintana si Al noong nakaraang Biyernes, February 21. Nagpunta ang GMANetwork.com sa set at nagpaunlak siya ng isang exclusive interview.

“Siyempre masaya, ang tagal ko kayang wala rito. Na-miss ko 'tong GMA. Masarap ding makasama yung mga dati mong kasama,” pahayag ni Al nang kamustahin sa kanyang pagbabalik-Kapuso.

Kuwento ni Al, naghalo raw ang emosyon niya nang magdesisyon siyang tanggapin ang role ni Don Manolo.
 
“Actually, masaya na natatakot dahil hindi ko alam kung mapapantayan ko yung ginagawa ni Roy doon sa kanyang character. At saka para akong nag-pop in dito eh. From nowhere biglang ako na yung character na 'yon. Siyempre ang mga tao ay used kay Roy Alvarez as Don Manolo,” aniya.

Ayon kay Al, pinag-aralan niya kung paano ang atake ni Roy sa naiwang character kaya’t nanood siya ng previous episodes ng Villa Quintana. Batid daw ng aktor na hindi niya magagaya si Roy dahil magkaiba sila ng style sa pag-arte. Pero tiniyak nito na gagawin niya ang lahat para ma-deliver nang maayos ang pagganap sa character ni Don Manolo.

Patuloy ng aktor, malayong-malayo raw sa nakaraang characters na ginampanan niya si Don Manolo.
“Kadalasan kasi ang role ko medyo (ay) mahirap, driver, mga ganoon. Mas gusto ko 'yon kasi kaunti lang ang damit noon eh. Eh ngayon iba na, Don! Hindi ako sanay maging Don pero pipilitin natin. Hindi ako sanay maging mayaman eh,” paliwanag ni Al.

Pero kahit daw na malayo sa nakagawiang character niya ito ay tinanggap niya pa rin ang offer dahil na-challenge siya rito. “Challenging 'yung role eh. Kasi siya si Quintana eh. Siya 'yung head ng Villa Quintana,” saad ni Al.

Sa huli, ibinahagi sa amin ni Al ang hiling niya kay Roy. “Sana tulungan niya ako para maituloy ko 'yung sinimulan niya at mabigyan ko naman ng justice 'yung character na nagmarka bilang Don Manolo. Sana magawa ko. Sana matuwa naman siya sa gagawin ko,” pahayag niya.

Abangan si Al Tantay bilang bagong Don Manolo simula sa susunod na linggo sa Villa Quintana, weekdays after Eat Bulaga. – Al Kendrick Noguera, GMANetwork.com