Filtered By: Showbiz
Showbiz

Kilalanin ang Kapuso TV host-comedian na nagsimula bilang props man



 
Taong 1998 nang unang naging parte ng showbiz si Mike Nacua, o mas kilala bilang Pekto. Hindi siya nagsimula bilang artista, ngunit bilang isang props man.

Naaayon ito sa kanyang course na Fine Arts, dahil kinailangan ang creativity sa mga ideas at execution.

Bagamat hindi nakatapos ng pag-aaral dahil sa pangangailangang buhayin ang asawa at anak, nagpursige si Pekto sa pagtratrabaho. Dahil sa sipag at galing na kanyang ipinamalas, ‘di nagtagal at siya’y naging Art Director.

Ikinuwento ni Pekto sa programang "Tunay Na Buhay" ni Rhea Santos, na kapag walang makuhang extra sa show, silang mga nagtatrabaho sa likod ng camera ang kinukuhang parte ng eksena. Hindi niya inakala na ito ang magiging simula ng bagong yugto ng kanyang buhay.

Mula sa pagiging passerby, hanggang sa pagbato ng mga one-liner, naging regular ang kanyang paglabas sa mga shows, at nagkaroon pa ng kanyang sariling segment.

Dahil sa kanyang sipag at natural na talento sa pagpapatawa, nakatrabaho niya ang ilang beterano tulad nina Joey de Leon at Janno Gibbs na tumulong sa pag-usbong ng kanyang career bilang komedyante.

Naging parte si Pekto ng sikat na comedy shows at sitcom tulad ng Beh Bote Nga, Nuts Entertainment, Bubble Gang at Show Me The Manny noong early 2000s. Ngayon, siya ang host ng Day Off, isang programang binibigyan ng reward ang mga hardworking na mga Filipino.

Sa dami na ng napagdaanan ni Pekto, alam niya na ang kanyang pagiging positibo ang tumulong sa kanya na malampasan ang mga pagsubok.

“Dapat naka-smile kahit anong pinagdadaanan. Walang lungkot. Smile lang, matatapos din ‘yan,” aniya. -- Meryl Ligunas/Elisa Aquino, GMANetwork.com
Tags: tunaynabuhay