PBA player Terrence Romeo, itinangging siya ang inaakalang nakarelasyon ni Vice Ganda
Nagsalita na ang PBA player na si Terrence Romeo tungkol sa mga hinalang siya ang tinutukoy na naging karelasyon ng TV host-comedian na si Vice Ganda. Kamakailan lang ay inanunsiyo ng komedyante na nagtapos na ugnayan nila ng kaniyang boyfriend na hindi niya pinangalanan.
Sa ulat na lumabas sa Spin.ph nitong Biyernes, iginiit ni Terrence na hindi sila nagkaroon ng relasyon ni Vice, na katulad niyang alumnus ng Far Eastern University.
Bago naging player ng PBA team na GlobalPort, naging manlalaro muna ng FEU sa UAAP si Terrence, na kilalang sinusuportahan ni Vice.
Nilinaw din ng basketbolista na hindi sa kaniya ang Facebook account na nag-post ng mensaheng: "Ako na ang nagsasabi sainyong lahat wala kaming naging relasyon ni Vice!!!!!Ang hirap sainyo kaagad nanghuhusga kayo wala naman kayong alam!!!!!D'delete ko na mga account ko kapag ako yung nainis!!!!Konting respeto naman pwede!!!!"
Bagaman hindi umano sa kaniya ang naturang FB account, sinabi ni Terrence sa nabanggit na ulat ng Spin.ph na, "okey na rin 'yung ganun atleast alam ng mga tao. Mas okay na 'yung ganun na may nagsabi (sa Facebook para sa akin) ng ganun. Kasi totoo naman yung sinabi niya na wala kaming relasyon (ni Vice),”
Umaasa ang basketbolista na matatapos na ang isyu ng pag-uugnay sa kaniya kay Vice.
Knowing you i dont think you'd ever say that. Thanks for the call and clarification. I appreciate!
— jose marie viceral (@vicegandako) May 23, 2014
Samantala, isang tweet naman ni Vice ganda sa kaniyang Twitter account ang nakatawag ng pansin ng kaniyang mga followers nitong Biyernes.
Nakasaad sa tweet ni Vice na ni-retweet ng mahigit 900 niyang followers ang mensaheng: "Knowing you i dont think you'd ever say that. Thanks for the call and clarification. I appreciate!"
Ilan sa mga follower ni Vice ang nagtanong kung ang naturang mensahe ay reaksiyon nito sa FB post na nakapangalan kay Terrence, na itinanggi ng basketbolista na pag-aari niya. -- FRJ, GMA News